
Direk Roni, idol si Direk Chito
“Malakas ang horror.” ‘Yan ang sabi ng Viva Films producer na si Boss Vic del Rosario kay Direk Roni Benaid, direktor ng successful horror thriller na Mary Cherry Chua.
“Kaya nga sundan agad natin ang Mary Cherry Chua kasi sayang ang opportunity,” sabi pa ni Boss Vic sa direktor ng bagong horror movie na Marita, na ipapalabas sa mga sinehan simula Nov. 29.
“Happy ako dahil ang iba sa cast ko napapanood ko lang sa movie dati, ngayon nadi-direct ko na,” ani Direk Roni. “Maganda ang mixture ng cast dahil mayroon kaming mga bago, mayroon kaming nagsisimula, mayroon kaming sumu-support sa kanila, naging mapagbigay sa kanila lalo na sa mabibigat na eksena.”
Nagulat nga siya dahil prepared ang cast pagdating sa set.
“I explained to them na very limited ang time namin at wala kaming time na mahaba,” kwento niya, “lalo na sa mabibigat na eksena, prepared sila pagdating sa set.”
Ang Marita ay based on a true story.
“Hango ito sa legend ng isang actress ng isang theater group sa ’70s na nagpakamatay. Doon ko kinuha ang story ng pelikulang ito,” pahayag ni Direk Roni, na fan ng horror flicks at umaming idol si Direk Chito Roño. Leah Salterio