
DILG pararangalan ng KWF
SA ikatlong magkakasunod na taon, muling kinilala ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) bilang isa sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan na tatanggap ng prestihiyosong Antas 2 ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ngayong araw sa Manila Metropolitan Theater, Lungsod ng Maynila.
“Ang karangalan na ito ay isang matibay na patunay sa masigasig at patuloy na pagtataguyod ng DILG sa Wikang Filipino sa pagbibigay ng matino, mahusay at maaasahang paglilingkod sa ating mga kababayan,” ani Benhur Abalos, ang kalihim ng DILG.
Ang KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ay pagkilala para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na sumunod sa implementasyon ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 335 o Executive Order No. 335 at nagpamalas ng kahusayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko.
Ani Abalos, ang karangalan ay magsisilbing paalala at inspirasyon upang lalong paigtingin ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagkakaloob ng serbisyo at pagtupad sa mandato ng kagawaran.
Dagdag pa niya, ang DILG at ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo-Kawanihan ng mga Manggagawang may Tanging Pangangailangan (DOLE-BWSC) lamang ang dalawang kagawaran na tatanggap ng Antas 2 na parangal.
Pinasalamatan at kinilala din ng kalihim ang lahat ng mga kawani ng kagawaran para sa kanilang dedikasyon at pagpupursigi upang mas palawigin ang paggamit ng pambansang wika sa mga proseso at pagbibigay serbisyo ng ahensya.
Sa kabuuan, 17 pambansang ahensya at lokal na pamahalaan ang tatanggap ng gantimpala mula sa KWF.