
‘Di pagdalo ng inimbita sa hearing ng Duterte arrest may legal basis
HINDI na bago at may legal basis ang hindi pagdalo ng mga inimbitahan sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Sen. Imee Marcos, ayon kay Senate President Francis Escudero.
Ginamit ng administrasyong Marcos ang executive privilege upang hindi padaluhin ang mga miyembro ng gabinete sa pagdinig kaugnay ng pagkakadala kay dating Pangulong Duterte sa the Hague sa ilalim ng International Criminal Court sa Netherlands sa mga kasong kinakaharap na nag-ugat sa kontrobersiyal na extra judicial killings.
Tumugon si Escudero sa kahilingan ni Sen. Marcos na maglabas ng subpoena para pilitin ang mga opisyal ng ehekutibo na dumalo sa imbestigasyon ng Senado.
Inilahad ni Escudero na karapatan ng Ehekutibo ang hindi pagdalo base sa naging desisyon ng Korte Suprema sa nagdaang panahon kung saan may isang opisyal na ng Gabinete na tumangging humarap sa pagdinig dahil sa executive privilege.
“In-invoke nila ang executive privilege kaugnay ng hindi pag-attend ng hearing at hindi ito bago,” ani Escudero.
Binigyang-diin niya na hindi ito ang unang beses na ginamit ang ganitong legal na hakbang sa kasaysayan ng lehislatura sa Pilipinas na mismong ang kataas taasang korte ang pumanig.
“Ito ang Ermita case at Neri case kung saan sinabi ng SC na may kapangyarihan ang executive mag-invoke hindi lamang sa hindi pagsagot pero sa hindi pagdalo ng ilang opisyal ng executive department,” paliwanag ni Escudero.
Bagama’t nilagdaan na ni Escudero ang mga subpoena na hiningi ni Sen. Marcos, sinabi niyang ipinadala na niya ito sa legal department ng Senado para sa masusing pagsusuri.
Nilinaw pa ni Escudero na bagama’t maaaring humingi ng impormasyon ang Senado sa pamamagitan ng subpoena, kinakailangang gumalaw ito sa loob ng mga hangganan ng umiiral na jurisprudence lalo na sa panahon ng legislative recess.
Kumpirmado rin ni Escudero na nakatanggap ang kanyang opisina ng liham mula sa isang opisyal ng ehekutibo nitong Lunes, na nagsasaad ng pagtanggi ng opisyal na dumalo sa pagdinig dahil sa executive privilege.
Binanggit ni Escudero na bagama’t maaaring maglabas ng subpoena ang Senado, ang pagpapatupad nito kailangang sang-ayon sa umiiral na mga desisyon ng korte.
Nang tanungin kung itutuloy pa rin ba ng Senado ang pagpilit sa mga opisyal na humarap, iginiit ni Escudero ang kahalagahan ng legal na pagsusuri bago gumawa ng susunod na hakbang.
“Maganda nang i-refer sa legal ng Senado para magbigay sila ng karampatang rekomendasyon,” aniya.
Inulit ni SP Escudero na ang anumang karagdagang aksyon ibabatay sa magiging resulta ng pagsusuring legal. “Our resort should be with the courts,” dagdag pa niya.