Dennis

Dennis sa mga anak kay Marjorie: Maybe the last time that you would see me, sa loob na ng kabaong ko ‘yun

April 10, 2025 Vinia Vivar 143 views

Napagod na si Dennis Padilla sa panunuyo at pagri-reach out sa mga anak kay Marjorie Barretto na sina Julia, Claudia at Leon Barretto.

Ito ang ipinahayag mismo ng aktor sa kanyang panayam sa vlog ni Ogie Diaz matapos ang naging pagtrato sa kanya sa kasal ni Claudia sa long-time boyfriend nitong si Basti Lorenzo last Tuesday, April 8.

Labis na ikinasama ng loob ni Dennis na trinato siyang bisita sa kasal ng sariling anak at hindi father of the bride. Hindi rin siya ang naghatid sa altar kay Claudia kundi ang mother of the bride na si Marjorie.

Sa panayam ni Ogie kay Dennis, dama ang sakit na nararamdaman ng aktor dahil sa nangyari.

“One of the most painful part ng buhay ko na naranasan,” umiiyak na sabi ni Dennis. “Wala ito sa kalahati ng mga naranasan ko (sa kanila) du’n sa mga nakaraan, pati nu’ng debut. Wala, wala,” pahayag ni Dennis.

Mas masaya pa nga raw siguro kung hindi na lang siya inimbita ng anak at pumunta siya.

“Kasi even hindi ka nila pinansin, problema mo ‘yun. Hindi ka invited, pumunta ka, eh. Hindi ka pinansin, wala kang magagawa. Pwede, iwanan mo na lang ‘yung gift mo sa organizer, pabigay mo,” saad niya.

“Wala kang ie-expect. So I’d rather hindi ako na-invite,” dagdag pa niya.

Sa tanong kung ano na ang desisyon niya ngayon, ayon kay Dennis ay suko na siya.

“Ayoko na. Surrender na. I’m finished,” aniya.

“Tatay na lang nila ako pero bringing back the relationship, wala na siguro. Maybe we can just play around with the memories pero that’s it, finished,” dagdag niya.

Pati raw ang social media posts niya sa kanyang mga anak ay isa-isa na niyang tinatanggal ngayon.

“Ngayon ko lang na-realize, not one of my children even posted my picture in their Instagram, not once. Ni wala akong picture sa kahit saang social media nila,” aniya.

Sinabi naman ni Ogie kay Dennis na baka galit lang ito ngayon kaya nasasabi ito.

“Ayoko na. Sabi nila ako ‘yung toxic. Talaga ba? A father who’s longing for love from the children especially the father is going to almost 3/4 of his life. Can you call that as toxic?

“A father’s longing. A father who asked forgiveness privately and publicly, is that toxic? A father who apologized to the mother, to the children, to the boyfriend of the children in private and in public, they call that toxic?

“A father who posted greetings on birthdays, on Valentines, on Christmas, and New Year to greet them so that it would reach them, without reply, is that toxic?

“If the answer to those things I said is yes, then I consider myself (as) toxic.”

Nang tanungin si Dennis kung ano ang message niya para sa mga anak kay Marjorie, aniya, “Wala na, I’m sorry, wala na.”

Aminado ang aktor na napagod na siya.

“Napagod na. I thought, hindi mapapagod, akala ko hindi, eh,” malungkot pa niyang wika.

“I think I will carry it to my funeral. Bibitbitin ko na lang ito hanggang mamatay ako. Hindi ko na babaguhin. Ayoko na, napagod na ako,” wika pa niya.

Kinumpirma rin niyang tinatapos niya ang kanyang relasyon sa mga anak kay Marjorie.

“Ako na ang masusunod ngayon, hindi na sila,” he said.

“Hindi na nila ako makakausap at makikita. I won’t give them any chance to see me or talk to me,” giit pa niya.

Sa huli ay sinabi pa ni Dennis na permanente na siyang nagpapaalam sa kanyang mga anak kay Marjorie.

“Paalam na ito, eh. This is a permanent goodbye. Maybe the last time that you would see me, sa loob na ng kabaong ko ‘yun dahil hindi na ako makakaiwas. Hindi ko naman kayo iba-ban do’n, anak ko kayo, eh. Pwede kayong bumisita doon. Kung gusto n’yong mag-donate ng pambili ng biscuit, pwede rin naman ‘yon,” pahayag ni Dennis.

Maghihilom naman daw ang kanyang sugat pero wala na siyang babalikan.

Sa tingin daw niya ay nagawa na rin niya ang lahat.

“Hanggang dito na lang,” aniya pa.

AUTHOR PROFILE