
Debate sa bounty
MAY debate kung legal ba o illegal ang pagtanggap ng P10 million reward money ng DILG mula sa pribadong donor para sa pagkakadakip kay Pastor Quiboloy.
Ang paliwanag ni DILG Secretary Benhur Abalos, legal ang donasyon dahil may mga pribadong sektor ang gustong tumulong sa pamahalaan para sa maipaisalim sa proseso ng hustisya ang lider ng KOJC.
Sa bahagi naman ng abogado ng KOJC, illegal ang donasyon dahil ipinagbabawal ng batas na tumanggap ang sinumang opisyal ng pamahalaan ng pera o anumang bagay mula sa pribadong sektor.
Doon ko ito titingnan sa general principle na palagi namang nagkakatulong ang gobyerno at ang pribado sa maraming usapin na may kinalaman ang kapakanan ng bayan.
Halimbawa, may mga silid-aralan na ang nagtatayo ay pribadong kompanya or pribadong grupo na nagiging donasyon nila sa Deped.
Mayroon din mga basketball court sa mga barangay na ang nagtatayo ay mga pribado para lang makatulong sila sa programa ng komunidad na mailayo sa masasamang bisyo ang mga kabataan.
Sa tuwing may kalamidad, maraming pribadong sektor ang katuwang ng pamahalaan sa pagtulong sa mga biktima. Ang iba, pinadadaan sa mga media outlet at ang iba naman ay direktang pinadadaan sa pamahalaan. Ang kontrobersiyal na resupply mission sa Ayungin shoal na mga pagkain, toiletries at iba pang supply na dinadala sa mga sundalo na nagbabantay sa ating teritoryo ay ang pribado ang donors na wala naman tayong nagiging kuwstiyons sa legalidad.
Ngayon babalik tayo sa pinagdedebatehang reward money para sa mabilis na pag-aresto kay Pastor Quiboloy na naging wanted dahil sa mga alegasyon. Makailang ulit naman na itong inihayag ni Secretary Abalos na ang P10 million ay bigay ng pribadong indibiduwal.
Okey, ang posisyon natin dito ay wala naman tayong nakikitang masama. Ibig sabihin, morally, tama. Kung legally ay tama, ipapaubaya natin ang sagot sa mga legal expert, lalo na sa Korte Suprema para tayong lahat ay matuto.
Pero habang nakasalang sa gitna ng debate ang tanong kung legal ba o illegal ang donated bounty, ang tingin ko naman ay may obligasyon din si Secretary Abalos na sabihin sa publiko kung sino ang donor ng P10 million.
Ang tanong ay bakit? Dito na papasok ang usapin ng “malisya” kaya importanteng malaman ng publiko kung sino ang nagkaloob ng sampung milyong piso para malaman ng mga mamamayan na wala nga bang interest sa DILG or sa alinmang ahensiya ng pamahalaan ang donor.
Puwede kasing maging alegasyon na ang donor ng P10 million ay nakakuha ng kontratang P1 bilyong project sa pamahalaan or kaya naman ay naglo-lobby ng malaking proyekto kaya tumulong sa reward money.
Ang suhestiyon natin kay Sec Abalos ay ilantad sa publiko kung sino ang donor para mawala ang anumang espekulasyon na posibleng nakinabang ito sa pamahalaan kaya tumulong.
Alam naman natin na malinis na intensiyon si Sec Abalos kaya naniniwala tayong sa pamamagitan ng pagtukoy kung kaninong bulsa hinugot ang P10M donation ay mananahimik ang lahat ng sektor, lalo na ang KOJC sa kanilang mga tanong.