
‘Deadpool, Wolverine,’ ‘Unang Tikim’ binigyan ng R-16 rating
BONGGA naman pala talaga ang “Unang Tikim,’ ang kauna-unahang Vivamax production na ipapalabas sa mga sinehan simula August 7, dahil kasama nitong nabigyan ng “R-16” rating ang Hollywood movie na “Deadpool/Wolverine” nina Hugh Jackman at Ryan Reynolds.
Sa katatapos na presscon ng Angeli Khang-Robb Guinto starrer na dinirek ni Roman Perez Jr., ibinalita na ang erotic GL film ay mapapanood sa SM Cinemas na alam naman nating mahigpit pagdating sa pagpapalabas ng maseselang pelikula.
Pag-amin ni Direk Roman, sadyang gumawa sila ng “R-16” version ng “Unang Tikim” para sa SM Cinemas pero may “R-18” version din na ipapalabas sa ibang mga sinehan nationwide.
Ayon naman sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB), ang “R-16” ay para lamang sa mga edad 16 pataas.
Ito’y dahil may mga eksenang hindi akma sa mga manonood na edad 15 pababa, tulad ng matitinding karahasan, madudugong eksena at ilang mga mapaminsalang imahen.
Samantala, binigyan din ng “R-16” rating ang “All My Friends Are Dead” ng Pioneer Film sa desisyon nina MTRCB Board Members na sina Bobby Andrews, Almira Muhlach at JoAnn Bañaga.
Ipinunto ng tatlo ang sekswal na nilalaman ng pelikula, katatakutan na hindi angkop sa mga bata at mga eksena ng karahasan.
“R-16” din ang nakuhang rating ng pelikula ng Pinoyflix Films and Entertainment Production, Inc. na pinagbibidahan nina Alexa Ocampo, Jeffrey Santos, Rash Flores at Lara Morena.
Samantala, pinaalalahanan ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang mga magulang na ang “R-16” classification ay maaaring may mga maseselang pananaw sa tema, eksena, lenggwahe, karahasan, sekswal, horror at droga na hindi angkop sa edad 15 pababa.