De lima

DE LIMA: QUIBOLOY PAKITA KA!

March 10, 2024 People's Tonight 505 views

SA selebrasyon ng Women’s Month, kinondena ni dating Sen. Leila de Lima ang ginagawa ng ilang senador na harangin umano ang pagpapa-aresto sa lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo C. Quiboloy na na-cite in contempt matapos na hindi dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking, rape, sexual at physical abuse.

Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos na lumabas ang ilang senador sa media upang sabihin ang kanilang personal na relasyon kay Quiboloy.

Hiniling ni Sen. Robinhood Padilla na ibasura ang contempt na ipinataw ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.

Ang kahilingan ni Padila ay sinuportahan nina Sens. Imee Marcos, Bong Go at Cynthia Villar.

Binawi naman Sen. JV Ejercito ang kanyang pagsuporta kay Quiboloy.

Bilang tugon sa mga hakbang ng mga senador, sinabi ni De Lima na walang indibidwal, anuman ang koneksyon nito, ang dapat na ma-exempt sa pananagutan ng kanyang mga nagawa.

“There should only be one law for all. Senators should not exempt Quiboloy from the compulsory processes of a legislative inquiry just because he is a friend,” ipinunto ni De Lima.

“A senator is a public office, not a personal entitlement. It is a public trust, not a private investment,” dagdag pa nito.

Sinabi ni De Lima na kung malulusutan ni Quiboloy ang pag-usisa ng batas ay maaaring gayahin na rin ito ng iba at gamitin ang impluwensya ng iilan para matakasan ang hustisya.

Ayon kay Padilla, nakausap nito sina Sens. Raffy Tulfo at Grace Poe at sinabi na hindi nila susuportahan ang hakbang na pigilan ang pag-aresto kay Quiboloy.

Ang iba pang miyembro ng komite ni Hontiveros ay sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Sens. Pia Cayetano, Nancy Binay, at Mark Villar.

Kailangan ni Padilla ng walong senador upang mabaliktad ang naging desisyon ni Hontiveros.

Batay sa Section 18 ng Rules of Procedures Governing Inquiries in Aid of Legislation, “a majority of all the members may… reverse or modify the order above of contempt within seven days.”

Paulit-ulit na hindi sinipot ni Quiboloy ang imbitasyon at subpoena ng Senado at iginigiit nag kanyang karapatan para sa due process.

Naniniwala ang kanyang kampo na politically motivated ang imbestigasyong isinasagawa ng Senado. Naniniwala rin ang mga ito na mayroong lihim na motibo sa isinasagawang imbestigasyon na patungo sa paninira sa pastor at kanyang organisasyon.

AUTHOR PROFILE