
Dating Sen. Villar, all out ang suporta sa ALLTV
WEDDING anniversary pala nina dating Senador Manny at Cynthia Villar ang September 13 kaya ito rin ang napiling petsa para sa soft launch ng ALLTV ng pag-aari nilang Advanced Media Broadcasting System o AMBS.
Isa ito sa mga ibinahagi ng AMBS president na si Maribeth Tolentino sa isang virtual media conference.
Ani Tolentino, all out ang commitment ni Villar para mapaganda at makapagbigay ang bagong istasyon ng magagandang programa sa mga manonood.
“Suportado kami ni Sir,” diin pa ni Tolentino.
Kinumpirma rin ng AMBS executive ang negosasyon sa pagitan ng network para sa napipintong paglipat nina Korina Sanchez at Kabayan Noli de Castro.
Ganundin ang kaso ng Kapamilya artists na sina Luis Manzano at Karla Estrada na sa ngayon daw ay niri-review ang mga kontrata ng mga abogado.
Ani Tolentino, ang prosesong ito ang nakaka-delay sa pagpirma nina Luis at Karla sa AMBS.
Pero nakausap na raw niya si Karla habang si Luis naman ay nakausap na rin ng consultant nilang si Willie Revillame.
Habang wala pang nagaganap na pirmahan, nagtitingin na ang grupo ni Tolentino ng magagandang programa na babagay kina Luis at Karla.
Bukod sa mga pangalang nabanggit at sa mga nagsilabas na sa soft launch tulad nina Toni Gonzaga at Mariel Rodriguez, marami pa umanong mga celebrity ang nagpaparamdam sa istasyon at nagbabakasakaling mabigyan ng trabaho.
Nilinaw ni Tolentino na ang Viva artists tulad nina Julia Barretto at Ella Cruz ay guests lamang sa soft launch at hindi kabahagi ng AMBS.
Pero dagdag niya, looking forward sila sa muling pakikipagtrabaho sa mga ito at sa posibilidad na maging parte rin sila ng AMBS family.
“Hindi naman kailangan mamirata kasi maraming nagpaparamdam, so far. Saka maraming bago na pasikat pa lang na pwede naman nating makuha,” giit niya.
Baka raw magalit sa AMBS ang mga kasamahan nila sa industriya kapag sila ay namirata ng mga talent at artista.
“Everybody has a chance kasi marami pa kaming kailangang stars, eh. Ang mga artista naghihintay lang naman sa amin, kami naman naghihintay lang ng magandang programa para sa kanila,” rason pa niya.
Sa ngayon, aminado si Tolentino na hindi pa puno ang kanilang program grid.
Primetime pa lamang ang sakop ng katatapos na soft launch although may mga nabili na raw silang canned materials mula sa ibang networks tulad ng ABS-CBN.
Gaya ng napabalita, ang una nilang collaboration ay sa CNN para sa news at mga lumang teleserye ng ABS-CBN.
Bukas din naman daw ang pintuan ng AMBS sa kahit na sinong pwedeng magbigay sa kanila ng content.
Pagdating naman sa coverage o reach, pumirma ng kontrata ang istasyon sa isang grupo ng cable operators para ma-carry ang AMBS sa pagpapalabas ng mga ito sa iba’t ibang probinsya.
Inaasahan ng grupo ni Tolentino na pormal na makakapag-grand launch ang istasyon sa January o February, 2023.
By that time, aniya, posibleng buo na ang kanilang program grid at tapos na rin ang contruction ng AMBS Studio sa loob ng Starmall EDSA sa kanto ng Shaw Boulevard.
“Doon din ang aming technical. ‘Yung cinema kasi, ‘di ba, ang cinema dati malalaki? Eh, hindi na uso ngayon ang malalaking cinema, dapat maliliit na lang, so ginawa na lang namin siyang studio.
“By then ready na ‘yon. Hopefully, by that time, open na rin ang ating bansa para sa ‘yung face-to-face audience. Ang hirap kasi ngayon, wala pang face-to-face (o live studio audience).
Kapag kasado at full blast na ang operation ng istasyon, hindi rin daw malayong magtayo ang AMBS ng sarili nitong film at talent arm.
“Hindi malayong mangyari ‘yan. Basta nandito ka na sa negosyong ito, eh, lahat ng dapat gawin para makapag-provide tayo ng magandang teleserye, movies, so magkakaroon din tayo ng talent center para eventually meron kang fresh talents and sarili mo, na anytime ‘pag kailangan mo, magagamit mo. So, eventually, lahat ng pumapasok sa negosyong ito iku-complete ‘yan. Gagawin din namin ‘yan,” paniniguro ni Tolentino.