Spencer

Dating dancer proud bus driver sa London

April 10, 2024 Vinia Vivar 414 views

Hindi ikinahihiya ng dating Streetboys member at heartthrob na si Spencer Reyes ang pagiging bus driver sa London. In fact, he’s proud of it.

Via Zoom ay nakausap ng ilang entertainment press si Spencer sa mediacon ng upcoming big dance concert na The Sign: 90s Supershow kung saan ay isa siya sa mga performer.

“Actually, ‘andito ako sa trabaho ko ngayon,” ani Spencer. “I’m on my break. Nasa trabaho ako. And nag-aano ako dito, nagda-drive ako in one of the biggest bus companies all over UK (United Kingdom).”

Patuloy niya, “Na-appreciate ko ‘yun. Baka kasi ‘yung iba, nag-iisip na sasabihin ‘o, bakit bus driver lang si Spencer?’ For me, na-experience ko as a bus driver dito, napakahirap. Iba d’yan sa Pilipinas, mas mahirap d’yan sa Pilipinas.”

Tsika pa niya, hindi madaling maging bus driver sa London at napakahirap makapasok.

“Dito, it’s different. Dito, mahirap pumasok. Bibihira nga lang ang mga Asyanong nagda-drive ng bus dito. Kaya talagang once na makapasok ka dito, okay ka na,” he said.

Kasama ni Spencer na naninirahan sa London ang asawang si Shiela at ang kanilang tatlong anak.

Nakatakdang umuwi si Spencer ng Pilipinas para lang sa dance concert na gaganapin sa April 19, 6 p.m., sa Aliw Theater.

Magsasama-sama du’n ang ilang miyembro ng limang sikat na dance groups noong dekada ‘90 – ang Streetboys, Universal Motion Dancer o UMD, The Manoeuvres, Kids at Work at Power X People.

Kasama rin nila ang iba pang dance groups tulad ng Dyna Turbo, Katz22, BigMen, Black&White, Abztract Dancers, Teams 90s, BatangMama Academy of Dance at Wildcat Queens.

Ayon kay Spencer, hindi siya nagdalawang-isip nang i-offer sa kanya ang dance concert.

“Sabi ko, ‘sa’n ‘yung location?’ Sabi niya (producer), ‘Pinas’. Kinilabutan na ako. Sabi ko ‘ano ito?’ ’90s Supershow.’ Sabi ko, ‘sino kasama?’ ‘Mga grupo mo.’ ‘Sino pa?’ ‘Yung mga ka-dancer nu’ng ‘90s.’Hindi na ako nagdalawang isip. Sabi ko, ‘Yes, madam.’ Ganu’n lang ka simple.

“Natuwa ako, iba ‘yung feeling ko kasi I’ve been there, diyan ako dati,” aniya.

“The feeling is really priceless kasi this is the first time again I will step on stage na kasama ko ka-grupo ko,” dagdag pa niya.

Isa pa sa mga nagustuhan niya ay hindi lang ito basta concert kundi isang benefit show din.

AUTHOR PROFILE