
Dalawang babaeng magsasakripisyo para sa pag-ibig tampok sa ‘Krista’ at ‘Donselya’
Ngayong October, may bagong mga pelikula ang VMX tungkol sa dalawang babaeng handang magsakripisyo para sa pag-ibig.
Isang babae na ang tanging pangarap ay ang magkaroon ng simpleng buhay ang mahihirapang makuha ito. Kilalanin si Krista simula October 25 sa VMX.
Pelikula ni Sid T. Pascua na pagbibidahan nina Cess Garcia, Zsara Laxamana, Karl Aquino at JD Aguas – ang “Krista” ay tungkol sa mag-asawang Krista (Cess) at Makoy (Karl) na labis ang pagmamahal sa isa’t isa.
Pagdating sa kanilang mga pangarap, gusto ni Krista ng simple at payak na buhay habang si Makoy naman ay mataas ang ambisyon at gustong yumaman.
Nagtatrabaho si Makoy sa isang sabungan na pag-aari ng tuso at mapagmalupit na si Samuel (Elmo Elarmo). Sa sabungan din nagtitinda si Krista ng mangilan-ngilang meryenda at inumin.
Hindi sapat ang kinikita ni Makoy para matustusan ang kanilang mga pangangailangan, at hindi rin siya inilalapit nito sa kanyang mga pangarap. Dahil desperado sa pag-asenso, magtatangka si Makoy na magnakaw sa sabungan pero mahuhuli at isusumbong siya ng katrabahong si Diego (JD).
Dahil marahas si Samuel, plano niyang parusahan at pahirapan si Makoy sa binalak nitong pagnanakaw, pero pipigilan ito ni Krista at hihingi ng ibang kondisyon kay Samuel para hindi masaktan ang asawa.
Hanggang saan ang kayang isakripisyo ni Krista para sa pagmamahal kay Makoy? Ano ang iaalok niya kay Samuel? Tanggapin kaya ito ni Samuel?
Alamin at panoorin ang “Krista” na streaming na sa VMX sa October 25.
Bata, maganda, dalisay – ganyan ang gusto ng karamihan ng mga lalaki sa mapapangasawa. Ngayong Oktubre sa VMX, sundan ang kwento ng isang labing-walong taong gulang na “Donselya” na gustong angkinin ng isang milyonaryo.
Si Iris (Dyessa Garcia) ang panganay sa apat na magkakapatid. Mula sa mahirap na pamilya, handa siyang magsakripisyo para maibsan ang kanilang paghihirap. Kaya wala siyang tutol nang gusto siyang pakasalan ng isang mayamang biyudo kapalit ang malaking pera sa isang kundisyon: Na siya ang unang lalaking makakasiping nito.
Nagtapos si Joaquin (Arnold Reyes) ng medisina, pero nagtrabaho at yumaman bilang negosyante. Namumuhay ito nang solo, maselan at malinis sa katawan. Maginoo kung titingnan, pero marahas.
Bago pakasal kay Joaquin, dapat putulin ni Iris ang relasyon kay Jimbo (Anthony Davao). Tutal, hindi naman siya seryoso dito at wala siyang nakikitang magandang buhay sa pagtitinda lang nito ng mga prutas sa palengke. Hindi ito magiging madali at dudungisan ni Jimbo ang kanyang pagkababae.
Kapag nalaman ni Joaquin na naunahan na siya, paano niya pagbabayarin si Iris sa kasalanang siya naman ang naging biktima?
Mula sa direksyon ni Christopher Novabos, ang “Donselya” ay palabas na sa VMX sa October 29. Kasama rito sina Chloe Jenna, Vern Kaye, Juan Calma, Alan Paule at Tanya Gomez.