DOH

Dagdag pondo para wakasan ang kanser

June 18, 2023 People's Tonight 436 views

DAGDAG pondo ang dapat ilalaan ng pamahalaan upang wakasan ang sakit na kanser at makapagsalba pa ng buhay.

Ito ang naging panawagan ni Dr. Marigold Ferrolino, head ng Oncology Department ng Rizal Medical Center at Dr. Antonio Alonzo, radiation oncologist.

Ayon sa dalawang dalubhasang doktor, ang mga gamot para sa kanser ay available naman sa Department of Health (DOH).

Tinukoy ni Dr. Marvin Mendoza , head ng cancer center sa National Kidney and Transplant Institute, na mayroong P1 bilyon pondo lamang na inilaan ang DOH na makapagsalba ng 200 buhay dahil ang isang buhay ay kinakailangang dumaan sa 18-treatment cycle .

“We can beat cancer. We can save lives. We can do more if the budget is increased by Congress,” ani Mendoza sa isang okasyon sa NKTI.

Naniniwala ang mga health expert na kung daragdagan ng Kongreso ang ilalaan na pondo para sa cancer patients, marami pang buhay na maisasalba at unti-unting wakasan ang sakit na kanser.

Binigyang-diin ng mga health expert na hindi na mahirap gamutin ang sakit na kanser dahil mayroon nang gamot na available sa bansa.

Tinukoy naman ni Ferrolino na ang common type ng kanser ay ang breast, lung at colerectum.

Sa breast cancer lamang ay umaabot na sa 21,000 kababaihan ang naitalang kaso kada taon.

At sa pinakahuling datos, nasa 9,000 kababaihan kada taon ang namamatay sa sakit na breast cancer na kung saan ay maaari naman sanang nagamot kung mayroong sapat na pondong inilaan.

Paalala ng mga health expert, maganda pa rin maagapan ng maaga ang sakit na kanser.

Ilan sa treatment na maaring ituro ng doktor sa isang pasyenteng may kanser ay ang injection/oral chemotheraphy or radiation upang patayin ang mga tumor/cancerous tissues.

Sinabi naman ni Alonzo, ang RMC ay gumagamit ng high-tech equipment katulad ng laser accurate X-rays na mild ang epektong nararanasan ng isang pasyente.

“These are high-energy X-rays — the gold standard of modern machines close to an AI (artificial intelligence) or robots to treat cancer patients,” ani Alonzo.

Ipinunto rin ni Alonzo, sa RMC ang gastos ng isang radiation treatment ay minimal lamang kumpara sa mga pribadong hospital na P300,000 hanggang P450,000 .

Paalala naman ng mga health expert, kung hindi kakayanin ng mga pasyente ang gastos sa mga pribadong hospital ay maari naman magtungo sa mahigit 23 public hospitals sa bansa para sumailalim sa 18-treatment cycle ng kanilang gamutan.

AUTHOR PROFILE