
COURT MARTIAL NG SANGKOT SA CONFI FUND MESS NASA AFP
MAKABUBUTI umano kung hahayaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng mga tauhan nito na sangkot sa umano’y maling paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, mayroong panloob na proseso ang AFP na hindi dapat maimpluwensyahan mula sa labas.
“Well, ‘yung AFP na siguro ‘yan. Naalala n’yo… ‘yung sa AFP will lead with their own investigation. Parang they were policing their own,” tugon ni Ortega sa tanong ng mamamahayag sa isang pulong balitaan.
“Nirerespeto po natin kung anong magiging resulta saka desisyon ng AFP patungkol diyan,” ani Ortega.
Ilan umano sa dating miyembro ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ay sangkot sa disbursement ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ng Bise Presidente.
Batay sa ulat, bumubuo na ang AFP ng isang fact-finding committee para imbestigahan ang papel nina dating VPSPG Commander Col. Raymund Dante Lachica at kaniyang deputy commander na si Col. Dennis Nolasco sa paggamit ng naturang pondo.
Noong Disyembre 2024, sa pagdinig ng Kamara, tinukoy sina Lachica at Nolasco na responsable sa paglalabas ng milyong pisong halaga ng confidential fund ni Duterte sa ilalim ng OVP at DepEd.
Binigyang-diin din ni Ortega ang kahalagahan ng pagkakaroon ng balenseng legislative oversight at kalayaan ng AFP na makapag-imbestigasyon.