Default Thumbnail

Congratulations Brig. Gen. Val de Leon!

August 19, 2021 Marlon Purification 354 views

Marlon PurificationPOSITIBO ang komento ng iba’t ibang local government units (LGUs) hinggil sa pamamahala ni Brig. Gen. Valeriano ‘Val’ De Leon sa buong Police Regional Office (PRO) 3.

Ang nakatutuwa, hindi lang mga governors, mayors, kundi pati barangay officials ay saludo sa maayos na pagtimon ng heneral sa buong Central Luzon PNP.

Kaya hindi na tayo nagtaka nang hirangin bilang Best Police Regional Office sa buong PNP ang PRO3 para sa calendar year ng 2020.

Ang PRO3 ang nangangalaga at nagbabantay ng katahimikan sa buong Gitnang Luzon na binubuo ng pitong probinsiya. Ito ay ang mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampnga, Tarlac at Zambales.

Iba-iba ang salitang nandito, mula sa pagiging Kapampangan, Ilocano, Panggasinanse at Tagalog, pero hindi ito hadlang para lahat ng mensahe, karaingan at pangangailangan ng bawat mamamayan sa Central Luzon ay kagyat na natutugunan ng pulisya mula sa PRO3.

Ang catch pa, si General De Leon ay hindi tulad ng ibang opisyal sa PNP na umutot lang ay naka-publish agad sa media. Samantalang si De Leon ay una ang gawa at kaunting salita, ngunit 100 percent ang magandang output sa serbisyo publiko.

Sa panayam ng programang Tutok Erwin Tulfo ng award-winning at veteran broadcaster, hindi inako ng heneral ang kredito kung bakit itinanghal na pinakamagaling na Police Regional Office sa buong Pilipinas ang kanilang tanggapan.

Sa halip, kinilala niya ang sipag, husay at galing ng kanyang mga tauhan. Lalo na aniya ang kooperasyon at tiwalang ibinibigay sa kanya ng mga LGUs, gayundin ang bawat barangay official sa kanyang nasasakupan.

Kahit ang mainstream media ay pinasalamatan din ng heneral dahil sa patas, parehas at responsableng pamamahayag na ginagawa para maipaabot ang mahalagang impormasyon sa ating mga kababayan.

Binigyang-diin ng heneral na hindi magtatagumpay ang kampanya kontra droga at kriminalidad kung wala ang tulong ng iba’t ibang sektor at ahensiya ng pamahalaan.

Lalo na at mahigpit ang tagubilin sa kanya ng Pangulong Rodrigo Duterte at ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar para sa giyera kontra droga, pagsugpo sa kriminalidad, maging ang paglinis sa mga tiwali at abusadong pulis.

Para sa kaalaman ng lahat, ang tanggapan ni De Leon ang may pinakamaraming huli ng drug pushers sa bansa, pagkakasamsam sa illegal na droga at pagkakalansag din sa mga organized crime group. Naging epektibo ang kanilang barangay clearing operations at maayos ding nakikipag-ugnayan/tulungan sa kanila ang bawat barangay officials.

Lalo na ngayong may kakaibang quarantine control dahil sa pandemya.

Mismong mga LGUs ang kumikilala sa kadakilaan sa trabaho ni De Leon kahit na hindi ito masyadong napapansin ng national media.

“Trabaho lang po tayo lagi at dapat maingat tayo sa bawat galaw at ‘wag na wag tayong gagawa ng ikinasisira ng ating pangalan at ng PNP,” madalas na bilin ni De Leon sa kanyang mga tauhan.

“Dapat maramdaman ng ating mamamayan na sila ay ligtas,” ani De Leon.

Hinggil naman sa problemang pang-insureksiyon, PRO3 rin ang may pinakamagandang accomplishments sa paglansag sa mga rebeldeng komunista. Kamakailan ay mismong si Bataan Governor Albert Garcia pa ang nakipag-ugnayan para sa pagsugpo ng mga miyembro ng CPP-NPA, gayundin ang pagbalik sa pamahalaan ng mga tagasuporta ng bandidong grupo.

At tulad ng magandang gawi ni De Leon, hindi niya basta inako ang kredito ng magandang accomplishments, kundi binigyang papuri niya rito ang maayos na kooperasyon ng LGU, tulad ni Gov. Garcia at ng Armed Forces of the Philippines.

Pati ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay binigyang kredito ng heneral na aniya’y hindi nagsasawang mag-supply sa kanila ng mahahalagang impormasyon.

Sa galing sa trabaho at pagiging mapagkumbaba, malayo pa ang mararating ni Gen. Val De Leon na miyembro ng Philippine Military Academy Makatao Class of 1989.

Simple lang ang mamang ito. Napaka-low profile, pero matinik magtrabaho. Kaya nga kahit noong hepe pa siya ng Police Regional Office 7 o Central Visayas, nagmarka rin ang maayos na trabaho nito bilang police regional director.

Lalo na nung hepe rin siya ng Firearms and Explosive Office (FEO) dahil si Gen. De Leon din ang naging dahilan kung bakit na-computerized ang pagproseso sa pagkuha ng lisensiya ng baril na naging daan upang mawala ang mga fixer sa Camp Crame.

Mula po sa ‘Uncovered,’ snappy salute po sa inyo, Gen. Val De Leon, Sir!