BBM1

Communications equipment ng PNP pinalalakas ni PBBM

February 15, 2024 Chona Yu 278 views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine National Police na gawing strategic ang pagbili ng communications equipment para lalong mapalakas ang interoperability ng pulisya lalo na tuwing may emergency at crisis situations.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos sa unang command conference sa Camp Crame, Quezon City.

“We have to be able to communicate to each other lalung-lalo na dito sa mga disaster response. Kailangan alam natin kung ano ‘yung situation on the ground.

Kailangan ‘yung nandoon na pulis, makapag-report kaagad na may nangyari, ganito yung situation, ito yung kailangan namin,” pahayag ni Pangulong Marcos..

Inatasan ni Pangulong Marcos si PNP chief General Benjamin Acorda Jr. na gumawa ng plano para masiguro at maayos ang communications capacity.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos matapos iulat ni Acorda sa kanya na mahina ang equipment capacity ng PNP.

“We really need to come up with a plan to improve the communications capability of PNP. You cannot do your job without being able to communicate because mag-aantay kayo ng instructions, magre-report kayo sa central office, et cetera,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nabatid na as of Peb. 14, nasa kalahati pa lamang ang PNP sa communications equipment requirement Nasa 32.05 percent pa lamang ng digital radio ang na fill-up, 33.98 percent sa tactical radio at 2.48 percent sa satellite phones.

Naka-program ang procurement sa PNP Capability Enhancement Program (CEP).

Kinukumpleto pa ng PNP ang pagbili ng 18 units ng conventional repeaters na nagkakahalaga ng P54 milyon at 80 units ng satellite phones na nagkakahalaga sa P6.5 milyon.

Sa ilalim ng CEP 2024, plano ng PNP na bumili ng 2,039 units ng body worn cameras, isang digital trunked radio system, 18 conventional repeaters at 420 VHF low band handheld radio na nagkakahalaga ng P585 milyon.

Ayon sa PNP, naantala ang pagbili ng mga kagamitan dahil sa isyu sa Terms of Reference.

Target ng PNP na mabili ang mga kagamitan bago matapps ang 2024 kung saan mabubuo nito ang fill-up rate ng hanggang 32.07 percent sa digital radio, 39.17 percent sa tactical radio at 6.03 percent sa satellite radio.

“So, tignan ng mabuti what it is that we can do so we can provide our people with the best possible communications equipment,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi din ng Pangulo na dapat nakasusunod sa standard ang communication system ng PNP.

“Kahit ‘yung pulis malipat sa ibang lugar, pareho pa rin ang gamit, pareho pa rin ang procedure, pareho pa rin ang sistema. So, I think that’s very important thing: there has to be consistency,” dagdag ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE