Marbil

Committees vs kidnapping, fake news binuo ng PNP

April 21, 2025 Alfred P. Dalizon 231 views

BINUO na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang bagong committees–ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) at Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) nitong nakaraang linggo.

Pangungunahan ni PNP Deputy Chief for Investigation Lieutenant Gen. Edgar Alan Okubo, tututok ang JAKAC sa pagtukoy, pagsugpo at pag-neutralize ng mga organisadong kidnap-for-hire syndicates sa bansa.

Samantala, si PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Robert Rodriguez ang mamumuno sa JAFNAC na layong labanan ang lumalalang problema ng maling impormasyon at disimpormasyon sa publiko.

“Hindi lamang ito mga bagong komite. Ito’y mga konkretong hakbang upang tugunan ang mga modernong banta.

Mula sa mga kidnap-for-hire syndicates hanggang sa mga fake news campaigns—kumikilos ang PNP para protektahan ang mamamayan.

Ito ang aming ambag sa Bagong Pilipinas—siguruhing mananaig ang batas at katotohanan,” ani Gen. Marbil.

Naitatag ang JAKAC kasunod ng matagumpay na paglutas sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo—isang krimeng planado at pinaniniwalaang pinangunahan ng Chinese national na si David Tan Liao.

Pinuri ni Gen. Marbil ang Special Investigation Task Group sa pangunguna ni Lt. Gen. Okubo dahil sa mabilis na koordinasyon at epektibong pagtugon.

Tatlong suspek na ang nasa kustodiya ng PNP habang hinahabol pa ang dalawa.

Tiniyak ng PNP na wawasakin ang mga sindikatong sangkot sa kidnap-for-hire.

Bukod sa mga kasong kidnapping, isa ring malaking hamon sa kaayusan ang paglaganap ng fake news.

Nitong mga nakaraang linggo, kumalat ang mga ulat sa social media ukol sa diumano’y pagdukot sa ilang kilalang negosyante—na agad pinabulaanan ng PNP bilang walang basehan.

Bilang tugon, binuo ang JAFNAC upang palakasin ang koordinasyon at estratehiya upang sugpuin ang fake news sa lahat ng platform.

“Hindi biro ang fake news—ito ay maaaring magdulot ng takot, kaguluhan at maling paniniwala,” ayon kay Gen. Marbil.

Sinabi ng hepe ng pambansang pulisya na ang pagbuo ng mga bagong komiteng ito tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng makabago at makataong pamamahala.

AUTHOR PROFILE