Default Thumbnail

Comm. Ruiz, “kailangan” ng BOC

July 25, 2022 Paul M. Gutierrez 435 views

PaulPORMAL nang manungkulan kahapon, araw ng Lunes, sa Bureau of Customs (BOC) si Comm. Yogi Filemon Ruiz matapos ang turnover ceremony sa BOC head office sa Maynila. Pinangunahan ni Department of Finance Usec. Antonette C. Tionko ang nasabing seremonya na dinaluhan ng mga opisyal ng BOC. sa pangunguna ni outgoing Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero.

Nauna nang nanumpa si Comm. Ruiz kay President BongBong Marcos (PBBM) sa Malakanyang noong Hulyo 20, bilang acting Commissioner ng BOC.

Paniwala ng mga miron, ‘good choice’ ang nagawang pagpili ni PBBM dahil na rin anila sa ‘good track record’ ni Comm. Ruiz.

Bago pa man ang kaniyang pagkakatalaga bilang Hepe ng Customs, namuno siya bilang Head ng Enforcement & Security Services (ESS) ng BOC sa loob ng halos limang taon. Pinangunahan niya sa ESS ang iba’t ibang mga proyekto at naging aktibo sa mga operasyon na lubos na nakatulong sa pagpapaigting ng kampanya laban sa smuggling sa BOC.

Syempre, naging regional director din siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa loob ng pitong taon at nalipat sa BOC sa termino ni Comm. Si Lapena, na PDEA DG bago naitalaga sa BOC noong 2017.

Doon pa lamang sa PDEA alam natin na naging mabibigat na trabaho ang hinawakan at kinaharap nitong si Comm. Ruiz. Mabibigat dahil alam po nating hindi simple ang bumangga sa mga sindikato ng mga smugglers at droga sa bansa. Nakatitiyak po tayo na hindi naging madali ang trabahong kinaharap niya.

Kaya naman ipinipilit sa atin ng mga miron na “kailangan” ng BOC ang kaniyang liderato dahil sa kaniyang napatunayang track record.

Hindi po lamang galing ang kailangan dito kundi higit ang tapang dahil alam po nating maraming kailangang banggaing tao at grupo kung nais nating lubos na malinis ang BOC at masakote ang mga sindikato na nais magpuslit ng kanilang mga ilegal na kargamento sa bansa.

Sa kaniya pong naging talumpati binanggit ni Comm. Ruiz ang pitong prayoridad ng kaniyang liderato para sa BOC. Kabilang na dito ang pagsugpo sa ilegal na droga, gun smuggling, matuldukan ang agricultural smuggling, mapataas ang nakukuhang revenue ng BOC, mapa-fully digitalize ang BOC, mapataas ang morale ng mga empleyado at matanggal ang korapsiyon. Ang mga ito umano ay nakabatay sa mismong ibinigay sa kaniya na ‘marching order’ ni PBBM.

Opo, talaga pong mabibigat ang mga prayoridad na kakaharapin ni Comm. Ruiz sa BOC dahil sa usapin pa lamang po ng korapsiyon ay talagang matagal na pong nasa sistema iyan aminin man natin at hindi.

Kahit patuloy ang mga nagiging trabaho para masugpo ang korapsiyon ay talaga naman pong may mga tao talagang ganid sa salapi.

Hindi po nating sinasabing hindi ito kaya ni Comm. Ruiz subalit kung sa usapin ng korapsiyon sa BOC hindi niya ito kakayaning mag-isa lang. Kailangan po dito ang pagmamalasakit ng bawat isa sa BOC para malinis ang maruming tingin ng publiko dito.

Na kapag naririnig nila ang BOC ay smuggling at korapsiyon na lang ang unang pumapasok sa isip nila. Kasi aminin na po natin na bagamat may mga nahuhuling smugglers at ginagawa naman po ng mga opisyal ang kanilang mga trabaho, pero mas masipag pong magtrabaho ang mga smuggler at sindikato dyan sa BOC.

Naniniwala ang mga miron na sa mga naging karanasan ni Comm. Ruiz ay talagang masasabing nararapat siya sa puwesto.

Umaasa rin ang mga miron na, harinawa, ang smuggling sa mga agricultural products ay talaga namang tututukang mabuti ng BOC sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sabi nga eh tuluyang mawala ang smuggling particular sa agricultural products na talaga naman pong malaki ang nawawala sa ating bayan lalo na sa mga kababayan nating mga magsasaka.

Kung magkakaganoon po makikita po ng mga kababayan natin ang trabahong ginagawa ng BOC para sa ating ekonomiya at sa ganoon pong paraan maaaring mapataas ang moral ng mga empleyado. Mas lalo silang magkakaroon ng motibasyon para magtrabaho.

Kaya malaki ang inaasahan ng mga miron sa bagong lideratong ipapamalas sa atin ni Comm. Ruiz. Abangan po natin ang mga pagbabago para sa ikabubuti ng BOC at abangan din natin kung sino ang unang masasampolan.

Muli, congratulations, Comm. Ruiz at nawa ay magtagumpay ka sa iyong mga plano at proyekto para sa ikabubuti at ikauunlad ng BOC.

***

At sino naman kaya itong isa ring ‘outgoing DOF official’ nang Duterte administration na gusto umanong “itali” ang kamay ni Comm. Yogi, pagdating sa appointment sa mga posisyon sa Aduana?

Anang mga miron, kahit naman “noon pa,” mahilig itong si DOF official na harangin o “kontrahin” ang gustong mangyaring pagbalasa sa mga opisyal ng BOC dahil may “tinititigan” siya at may “tinitingnan.”

Ehh, excuse me, bosing, hindi kaya mas mainam na asukasuhin mo na lang ang iyong pagreretiro at hindi yung aalis ka na nga lang sa gobyerno, pati ang “mandato” ni PBBM sa bagong customs commissioner, nakikialam ka pa?

Hmm. Hindi siguro makukumbinsi si PBBM at ES Vic Rodriguez na ibalik ka nila sa ano mang ahensiya ng gobyerno kung malaman nila na pati utos ng Pangulo, pinapakialaman mo, hane?

Abangan!

AUTHOR PROFILE