
Collab ng NHA, PhilFIDA tutulong sa housing beneficiaries
LUMAGDA sa Memorandum of Agreement (MOA) ang National Housing Authority (NHA) at Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) para sa programang pangkabuhayan sa mga benepisyaryo ng NHA.
Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ang PhilFIDA ng mga pagsasanay na nakatuon sa paggawa ng mga produktong gamit ang hibla o fiber kabilang ang paggawa ng handmade paper, scrunch, macrame bag, iba’t-ibang handicraft, at basic handloom weaving.
Layunin ng mga programang ito na bigyan ang mga benepisyaryo ng kasanayan upang makapagsimula ng sariling kabuhayan habang isinusulong ang paggamit ng lokal na yamang hibla ng bansa.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, dinaluhan ni Officer-in-Charge ng Community Support Services Department (CSSD) Donhill Alcain ang MOA signing.
Natutuwa si PhilFIDA Executive Director Arnold Atienza sa partnership sa NHA at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga ganitong pagsasanay upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga benepisyaryo ng pabahay at mapalaganap ang paggamit ng likas na yaman ng bansa.
Dumalo sa MOA signing si Concepcion D. Jocson, officer-in-charge ng Fiber Utilization and Technology Division ng PhilFIDA.