
Coco, pinaghahandaan ang pagtapat ni Ruru
Pinaghahandaan na ng FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin ang makakatapat na action serye ni Ruru Madrid sa GMA-7, ang Black Rider.
Sa grand mediacon ng Black Rider nitong Friday, Oct. 27, ay naikuwento ni Ruru na nagkita sila ni Coco sa pa-dinner ni Sen. Robin Padilla para pag-usapan ang Eddie Garcia Bill.
Matatandaang ginanap ang nasabing dinner party ni Binoe called “KOSMOS: Pagtitipon ng Mga Bituin” noong Sept. 15.
“Nagkita po kami du’n sa same event kung saan din po kami nagkita ni Tatay Ipe (Phillip Salvador), ni Sen. Robin, eh, saktong nandoon po si Sir Coco. Nilapitan ko po siya para magpakilala ako dahil sobrang taas po ng respeto ko sa kanya, sobrang taas po ng paghanga ko sa kanya,” simulang kwento ni Ruru.
Dagdag pa ng aktor, wala pa man siya sa showbiz ay pinapanood na niya si Coco.
“Hindi pa po ako nag-aartista no’n, talagang nanonood na po ako ng mga teleseryeng ginagawa niya. That’s why, I’m very happy nang makita ko po siya nang gabi na ‘yun,” kwento ni Ruru.
Kaya naman talagang lumapit siya kay Coco at nagpakilala.
“Nagpakilala ako, sinabi ko, ‘Sir Coco, ako po si Ruru Madrid, galing po ako sa GMA, isang malaking karangalan po na makilala kita,” tsika ni Ruru.
“Ang sagot lang niya sa akin, ‘ano ka ba? Ako nga ang dapat magsabi niyan. Malaking karangalan na makilala kita, pinapanood kita sa GMA, nakikita ko ‘yung mga ginagawa mo, ‘yung mga efforts mo,’ patuloy ni Ruru.
Sinabi pa raw ni Coco na pinaghahandaan na nila ang Black Rider dahil mukhang magkakatapat ang nasabing action series at ang FPJ’s Batang Quiapo.
“Sabi niya, ‘ipagpatuloy mo lang ‘yan, ang totoo nga niyan, naghahanda na kami, eh. Tapos yumakap po siya nang mahigpit. Sinabi niya sa akin, ‘ipagpatuloy mo lang ‘yan, nakikita ko ‘yung pagiging makatao mo,’” masaya pang kwento ni Ruru.
“Sobrang na-appreciate ko po ‘yun dahil isa po siya sa mga tinitingala ko pong mga artista sa industriyang ito,” wika pa ng aktor.
Tulad ni Coco ay sa action na nga rin pumupunta ang career ni Ruru.
Aniya ay matagal na niya talaga itong pangarap kaya masayang-masaya siya na nabigyan siya ng pagkakataon ng GMA-7 para matupad ito.
Magsisimula na ang Black Rider sa Nov. 6 sa GMA Telebabad.
Kasama ni Ruru rito si Yassi Pressman as his leading lady. Also in the cast are Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Kylie Padilla with Zoren Legaspi, Empoy Marquez, Raymart Santiago, Gary Estrada, Rio Locsin, Gladys Reyes, Janus del Prado at marami pang iba.
RECORD HOLDER
Si Vice Ganda pala ang may hawak ng korona bilang pinakamalakas na nasampal ni Diamond Star Maricel Soriano.
May nagtanong kasing netizen kay Maria sa X kung sinong artista ang nabigyan niya ng pinakamatinding sampal sa eksena.
Sumagot naman si Maricel at sey niya, “I think si @vicegandako, dumugo, eh!”
Matatandaang nagkatrabaho noon sina Maricel at Vice Ganda sa pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013) na idinirek ng yumaong si Wenn Deramas.
Ang daming nag-react sa sagot ni Maria at naalala nga raw nila ang sampalan scene na ‘yun.
“Hahahahahaha that scene from Girl, Boy, Bakla, Tomboy. Ikaw kc Mark Jill pinag-araro mo si Girlie kaya si Peter na may karamdaman sa atay ang pumalit kaya ayan tuloy naospital,” komento ng isang netizen.
“Yung masampal ka ni Inay Maria is such a blessing hahahaha,” sey naman ng isa pa.
Marami nang artista ang nagpatunay kung gaano kalakas manampal si Marya sa mga eksena and so far, si Kim Chiu nga ang latest niyang nasampal.
Magkasama ang dalawa sa TV series na Linlang at gumaganap silang mag-biyenan/manugang.
Nabanggit nga ni Kim sa mediacon na talagang natigalgal siya sa sampal at para raw siyang tinamaan ng baseball sa lakas.