
Coco may trauma sa pagse-celebrate ng birthday
May trauma pala si Coco Martin sa birthday niya kaya hindi siya nagse-celebrate sa dapat ay espesyal na araw ng kanyang buhay.
November 1 ang kaarawan ni Coco, na natapat sa All Saint’s Day, pero hindi ito ang dahilan kung bakit ayaw niyang mag-celebrate.
“Sa totoo lang, dapat nga, masaya ako kasi ang November 1 ay hindi naman All Soul’s Day ‘yan, eh. All Saint’s (Day) ‘yan, eh,” simulang paliwanag ni Coco sa panayam niya sa vlog ni Ogie Diaz.
“Saka, ’pag in-imagine mo, puwede nga akong mag-celebrate ng October 31, salubong. Kaso lang meron akong hindi magandang karanasan nu’ng bata ako kaya honestly, ‘pag birthday ko, hindi ako nagse-celebrate,” pagre-reveal ng aktor/direktor.
Kwento niya, noong bata siya ay ipinaghanda siya ng kanyang ina noong kaarawan niya. That time ay hiwalay na ang kanyang parents.
“Nu’ng naghiwalay sila, nine years old ako. Nu’ng unang magkita kami ng Mama ko after nila mag-separate, di siyempre sabik na sabik sa akin, nandu’n kami sa Pampanga noon pinaghanda ako.
“Tapos, ang ginawa niya, inimbita niya ‘yung mga kamag-anak ko sa Arayat, Pampanga kasi taga-Arayat din kami.
“Eh, siyempre, nagluto ang Mama ko, nag-abala. Siyempre, ‘di ba, ngayon lang kami nagkita, babawi,” kwento ni Coco.
Pero wala raw nagpunta sa kanyang birthday party na talaga namang ikinalungkot niya nang labis.
“Parang siguro dahil bata ka, parang nagkaroon ka ng trauma,” aniya.
Kaya simula no’n ay hindi siya masaya sa tuwing birthday niya.
“Hindi ako masaya ‘pag birthday ko, tapos, may party, ganu’n. ‘Di ba ‘yung iba, parang nag-e-enjoy. Ako, hindi, eh. Para bang gustong-gusto ko siyang matapos na.
“Kasi naawa ako sa nanay ko, honestly, nakita ko ‘yung frustrations niya, ‘yung lungkot niya. Tapos ‘yung mga pagkaing niluto niya, ipinamigay niya lang sa kapitbahay,” pagbabahagi pa ng bida at direktor ng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Kaya hanggang ngayon, kahit lagi siyang sinasabihan na mag-celebrate sa birthday niya ay ayaw niya talaga at ayaw din niya na binibigyan siya ng birthday surprise.
Pero ang nangyayari nga ay lagi siyang binibigyan ng birthday surprise ng mga kasamahan at sey ni Coco, hiyang-hiya siya ‘pag ganu’n.
“Nahihiya ako, hindi talaga ako sanay,” aniya.
Nahihiya umano siya na parang nasa kanya ang atensyon ng mga tao at kahit nga kapag tumatanggap siya ng award at kailangan niyang magsalita sa stage ay hiyang-hiya rin siya.
Maging sa mga show o mall tour na kailangan niyang mag-perform ay nahihiya rin siya kaya lagi siyang naka-shades.