
Climate Change, totoo! – PBBM
KAHAPON ay ginunita natin ang anibersaryo ng Bagyong Yolanda na kumitil ng libu-libong buhay at nanira ng bilyong pisong halaga ng mga ari-arian at pananim sa bansa. Ito ang tinatayang pinakamapaminsalang bagyo na tumama sa bansa at kinilala sa buong mundo dahil sa iniwang bakas nito.
Sa pananalasa ng Bagyong Yolanda, mas lalong naging maingay ang mga kampanya patungkol sa climate change o pagbabago sa klima ng daigdig. Dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura ng daigdig na nagre-resulta ng mga sakuna gaya ng matitinding pagbaha, tagtuyot, heat waves at malalakas na bagyo na talagang nagiging banta sa lahat ng may buhay sa daigdig.
Banta ng United Nations, magiging mas mainit ang panahon dahil sa mas mabilis na pagtaas ng temperatura sa daigdig o global warming.
At syempre, dito sa Pilipinas na nasa 20 bagyo ang dumadating sa atin taun-taon ang isa sa pinakanaapektuhan sa mas lumalakas na bagyo. Nito lamang nakaraang Bagyong Paeng, nasa halos 160 ang nasawi, isa sa pinakamataas na bilang ng mga nasawi gawa ng bagyo. Kabilang pa dito ang milyung-milyong ari-arian na nasira.
Kung magpapatuloy at walang gagawin ang mga pamahalaan sa daigdig, isa tayo sa pinakamaaapektuhang bansa kung lalong lalakas ang mga bagyong darating sa atin taun-taon.
At ikinatutuwa natin na alam ni Pangulong Bongbong Marcos ang nangyayaring ito sa ating kalikasan. Aniya, prayoridad ng gobyerno ang pagpapaganda at pagpapalakas ng “disaster preparedness at response”.
Mahalaga ito dahil hindi kaagad-agad mapipigilan ang lumalalang climate change pero maaaring mabawasan ang epekto nito kung magiging maagap at mahusay ang mga paghahanda at mapalakas ang pagtugon ng gobyerno sa ganitong mga sakuna.
Kinilala din ang pagpapahalaga at pag-iingat sa ating mga ecosystem o mga likas na yaman na tumutulong para mabawasan ang epekto ng climate change. Matatandaan na nitong Bagyong Paeng, kumalat din sa social media ang pagkilala sa nagawa ng Sierra Madre para mabawasan ang lakas ng bagyo.
Maging mga eksperto ang nagpapatunay dito na sa tuwing bumabangga ang bagyo sa kabundukan ng Sierra Madre ay nababawasan ang lakas nito.
Ayon mismo kay PBBM, “Kapag may pagkakataon, ay lagi ko bini-bring up ang climate change. Hindi ito biro na. Ito ay totoong-totoo na. Kaya’t hindi makakatulong ang paglalapastangan natin sa ating mga kabundukan, ilog o dagat.”
Sinabi pa ni PBBM na mababawasan ang epekto ng climate change sa pagtatanim ng mga puno. Dahil alam naman natin na kung ano ang nagagawa ng mga puno hindi lamang sa paglilinis ng ating hangin lalo na sa mga mapaminsalang greenhouse gases kundi para makatulong sa mga kabundukan na makalikha ng tubig at mapanatili ang magandang klima.
Pero dahil sa nakalbo na rin ang ating mga kabundukan dahil sa kagagawan din ng mga tao, sadyang ang mga malalang pagbaha at mga landslide ay bagay na kakaharapin lalo na ng mga mahihirap.
Inaasahan natin sa pagbibigay prayoridad ng gobyerno sa pagharap sa climate change ay mas umigting ang mga kampanya at implementasyon ng mga batas na pumuprotekta sa ating kalikasan.
Kailangan din ang tuluy-tuloy na edukasyon sa mga mamamayan lalo na sa mga kabataan. Kailangang magamit ang mga paaralan at maisama sa agenda ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga programa na magpapalakas sa pagtugon natin sa climate change.
Magandang nakapagpahayag si PBBM sa kaniyang prayoridad na harapin ang climate change. Isang malaking hakbang ito na maprotektahan hindi lamang ang ating kalikasan kundi maging ang buhay ng mga mamamayan.
Kaya galaw-galaw kayo dyan DENR!