Allan

Civil Status: Divorced!

May 22, 2024 Allan L. Encarnacion 126 views

TINANONG ko muna ang misis ko kung payag siya sa diborsiyo bago ko isinulat ito.

Ang sagot niya, payag naman daw siya. Paano naman daw kung nambubogbog ang lalaki? Eh, paano naman din kung ang babae ang nangungulpi?

Typecast lang kasi talaga ang lalaki bilang mapagmalupit, nananakit, lasenggo, sugarol, iresponsable at drug addict. Sa mundong parehas, may mga kaso rin ng lalaki o mister ang kinakawawa ng misis.

Ang pagiging nagger, lakwatsera, sugarol, iresponsable, lasengga, nananakit at walang kakakuntentuhan ay puwede rin sa mga misis. Walang monopolyo ang mga mister ng kasamaan ng ugali, kailangan nating aminin na marami ring misis ang mas masahol sa sama ng ugali ng kanyang esposo. May pagkakataon pa ngang mas burara at mas makalat pa ang misis kaysa sa mister.

Madalas nga, iyong sama ng ugali ng mister at misis ay namamana pa ng mga anak na kapag iyong titingnan, kahit nga anak lang, masasasabi mong “mother of all” sa sama ng ugali.

Palagi ko namang sinasabi, ang marriage contract ay isa lamang kapirasong dokumento na puwede namang lusawin ng dalawang nagpakasal kung ayaw na talaga nila sa isa’t isa. Lusawin meaning, balewalain nila pareho, hiwalay kung hiwalay, walang lingunan! Ang benepisyo lamang naman talaga ng diborsiyo ay legally, magkakaroon ng panibagong tiyansa na makapagkapasal kang muli ang dalawang naghiwalay.

Hindi ko lang ma-imagine na pangalawang lakad mo sa mahabang pulang carpet ng simbahan, habang nakaabang sa iyo ang panibago mong mapapangasawa at bumubulong ka sa iyong isip: ‘kaw na talaga ang mamahalin sa habambuhay! Hayup, sana nga may ikalawang glorya!”

Sinabi ko ito sa misis ko, kapag nagkahiwalay kami, ipinapangako ko, hindi na ako magpapakasal muli! Pero hindi ako nangakong hindi na muli akong iibig!

Sa totoo lang, maraming insidente na nagsasama na lamang ang mag-asawa para sa kapakanan ng mga anak.

Pero sa tingin ko, unfair din ito sa mga anak at lalong unfair sa mag-asawa. Kung wala nang pagmamahalan, kung wala nang respetuhan, kung hindi na nagkakasundo, dapat naman talagang maghiwalay na lang. Kalaunan, mauunawaan din ng mga bata yan maliban na lamang kung magsasama at magtitiis para kalaunan ay manumbalik ang dating samahan at pagmamahalan.

Sabi nila, dalawang bansa na lang sa buong mundo ang walang diborsiyo, ang Pilipinas at ang Vatican. Dati kasama pa ang Malta na siyang pangatlo, nagka-divorce na rin pala sa kanila?

Hindi ko rin ma-imagine na magkadiborsiyo sa Vatican na sentro ng Simbahang Katoliko. Nakakulong tayong lahat sinasabi sa Mark 10:9–What therefore God hath joined together, let not man put asunder. Iyon daw pinagsama ng Diyos ay hindi dapat pinaghihiwalay ng tao.

Pero sa palagay ko, mauunawaan na marahil ng Diyos ang paghihiwalay ng mag-asawang hindi na magkasundo dahil palagi rin niyang sinasabing “let there be peace on earth…” Hindi rin kasi magkakaroon ng kapayapaan sa tahanan ng mga taong pinagbuklod ng Panginoon kung nagbabalugbugan na sila araw-araw.

Sa mga gustong makasal ulit at ngayon ay sobrang lulong sa bago nilang pag-ibig, hindi natin sila masisi kung todo ang suporta nila sa diborsiyo na nakasalang ngayon sa kongreso. Pero sana, ipangako nyo rin na yan talaga ang huli at totoong pag-ibig nyo para hindi naman magmukhang lima singko ang kasalan dito sa atin.

By the way, lahat ng mga bio-data, mga pro-forma Personal Date Sheets na lalabas in the future ay magkakaroon na rin space para sa bagong Civil Status: Single, Married, Divorced!

[email protected]