
Civil, military parade idinaraos sa Tondo
Sa selebrasyon ng ‘Araw ng Maynila’
NAGTAPOS ang halos isang buwan na masayang pagdiriwang ng ika-452 taong anibersaryo ng “Araw ng Maynila” sa ginanap na Civil at Military Parade nitong Sabado ng umaga sa kahabaan ng lansangan ng Moriones Street sa Tondo.
Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang masayang pagdiriwang na nilahukan ng mga makukulay at malalaking karosa ng pawang kalahok sa patimpalak ng Pistang Manileno at Maringal na Maynila.
Sa naturang patimpalak, inanunsiyo ni Mayor Lacuna-Pangan na magkakamit ng P300,000 ang magwawagi sa mga lumahok sa parada ng Pistang Manileno at parehas na halaga rin ang ipagkakaloob sa mapipiling nagwagi sa Maringal na Maynila habang ang mga hindi pinalad ay mag-uuwi pa rin ng tig-P100,000.
“Sa ating pagdiriwang sa taong ito, sama-sama po nating tinanaw ang nakaraan, pinapahalagahan ang kasalukuyan, at nagsisikap po tayo na abutin ang isang maringal na Maynila. Napakarami na rin pong pagkakataon at oportunidad na bukas sa bawa’t isang Batang Maynila at kami po sa pamahalaang lungsod ay nagsisikap na mabuti upang makapaglatag ng mga magagandang programa, polisiya, at proyekto na lalo pong magpapataas ng antas ng ating lungsod,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita.
Sa pagtatapos ng parada, itinanghal na nagwagi sa Pistang Manileno ang Lakbayaw Festival ng Unang Distrito na pinangunahan ni Congressman Ernix Dionisio habang ang Health Cluster naman ng Manila Health Department (MHD) ang nanalo sa Maringal na Maynila na parehong nag-uwi ng tig-P300,000.
Nauna rito’y pinangunahan muna ni Mayor Lacuna-Pangan sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Rajah Sulayman sa Roxas Boulevard, Ermita, Manila. Si Rajah Sulayman ang itinuturing na Pilipinong bayani na nag-aklas laban sa mga Kastila na sumakop sa Maynila noong taong 1574.