Chiz

Chiz sa PH-China tension: Malulutas yan

June 9, 2024 PS Jun M. Sarmiento 133 views

UMAASA pa rin si Senate President Francis “Chiz” Escudero na mareresolba ang tensyon ng Pilipinas at China ukol sa West Philippine Sea sa maayos at mahinahon na pamamaraan at hindi mauuwi sa giyera.

Ayon sa senador, malalim ang pinagsamahan ng Pilipinas at China at mahabang kasaysayan ng unawaan at pagkakaisa ang nabuo simula pa sa ating mga ninuno.

“Ang pananaw at tingin ko sa hindi pagkakaunawaan at hidwaan sa pagitan ng China at Pilipinas isang tuldok lamang sa mahabang kasaysayan na pinagdaanan natin at sa mahabang kasaysayan pa sa hinaharap natin. Sa ibang salita, lilipas at malalampasan natin ito,” ani Escudero.

Ito ang mensahe ni Escudero sa ginanap na 23rd Filipino-Chinese Friendship Day at 49th anniversary ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at China noong Hunyo 7.

Mismong ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ani Escudero, ang makapaglalahad kung paano itinaguyod ang magandang relasyon at pagkakaibigan gayundin ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Inilahad ni Escudero kung gaano nagbunga ng magandang resulta ang kooperasyon mula sa dalawang bansa at ang mabuting ibinunga ng koordinasyon.

“Para sa akin, ang papel na pwedeng gampanan ng FFCCCII at iba’t-ibang Filipino-Chinese communities malaki at malawak,” sabi ni Escudero.

Sinabi rin ng senador na mismong ang kasaysayan ang magpapatunay noon pang 9th century bago pa dumating ang mga Kastilla at mga Amerikano sa Pilipinas.

“Malalim na ang ugat at kasaysayan sa pagitan ng dalawang mga bansa. Higit isang libong taon na ang lumipas na meron tayong ugnayan at relasyon, cultural man o sa ekonomiya, sa pagitan ng dalawa nating mga bansa at wala naman tayong pinag-awayan,” ayon sa senador.

Iginiit niya ang importansya ng respeto sa bawat isa at pagpapanatili ng bukas na dayalogo upang magkaroon aniya ng maayos na usapan sa isyu ng WPS.

DInadalangin din ni Escudero na maging mahinahon ang Pilipinas at China at maresolba ang anumang pagtatalo sa isang maayos, matahimik at makataong pamamaraan at makatarungan para sa bawat isa.