Posas

Chinese man, Pinay escort ‘nangotong’ kulong

October 23, 2023 Edd Reyes 592 views

TIMBOG sa entrapment ng pulisya ang isang Chinese national at escort niyang Pinoy habang kinikikilan ang isang Malaysian sa Paranaque noong Linggo.

Hindi nakaporma ang Chinese na si alyas “Zhide” at escort niyang si alyas “Jhun-Jhun” nang posasan ng mga tauhan ng Paranaque Police Station nang kunin ang marked money mula sa Malaysian na si alyas “Lim” sa harap ng Okada Manila Resort Hotel sa Paranaque.

Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nasa harap ng Okada Manila noong Oktubre 19 ang Malaysian nang dambahin siya ng dalawang hindi niya kilalang lalaki at puwersahang kinuha ang kanyang Huawei Mate 40 Pro na naglalaman ng mahahalagang mensahe at contact number.

Makaraan ang dalawang araw, nakontak niya ang mga suspek at humihingi ng P50,000 kapalit ng kanyang mobile phone at iba pang nawawalang dokumento.

Agad niyang inireport sa pulisya ang kondisyon ng dalawa kapalit ng nawawala niyang mobile phone.

Nabawi ng pulisya sa mga suspek ang tinangay nilang cellular phone sa biktima, pati na ang ginamit na boodle money na may kasamang P1,000 genuine bill.

AUTHOR PROFILE