
CHED ibinida papel ni Sen. Go sa free higher education
IBINIDA ni Commission on Higher Education (CHED) chairman J. Prospero “Popoy” E. de Vera III ang naging papel o naitulong ni Senator Christopher “Bong” Go para magkaroon ng katuparan ang free higher education na ngayo’y tinatamasa ng mahigit dalawang milyong estudyante sa mga unibersidad sa bansa.
“I am happy that Senator Bong Go is here personally because I will tell you his story. Ayaw sabihin ni Senator Bong Go, so ako na ang magsasabi. In those dark days when there was an attempt to veto the bill for free higher education, I got a phone call from Senator Bong Go. I remember that (call) in 2017, sabi ni Senator Bong Go, can you write a confidential memo to the President showing that free higher education is feasible?” ang kuwento ni De Vera.
Isiniwalat niya ito sa inagurasyon ng University of the Philippines (UP)-State Universities and Colleges (SUC) Pagtutulay, Pagtutuloy: Strengthening Partnerships in Philippine Public Higher Education Summit na isinagawa sa Dusit Thani Hotel sa Davao City noong Biyernes, September 15.
Bukod kay Go, dumalo rin sa summit si House committee on higher and technical education chairperson, Baguio City Congressman Mark Go, mga pinuno ng iba’t ibang SUCs, at mga kinatawan ng pribadong higher education institutions.
Layon nito na pagyamanin ang pagtutulungan at pagbabago sa loob ng sistema ng mataas na edukasyon sa Pilipinas.
Taos-pusong pinasalamatan ni De Vera si Sen. Go sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagtataguyod sa sektor ng edukasyon sa bansa. Pinuri niya ang senador sa walang sawang pagsusumikap na suportahan ang batas na hindi lamang nagbigay ng malawak na access sa dekalidad na edukasyon bagkus ay nag-angat din sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Partikular na ginunita ni De Vera ang sandali nang makipag-ugnayan sa kanya si Go na noo’y nababahala dahil may mga tumututol na maisabatas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ibinahagi ni De Vera na pinayuhan at hinimok siya ni Go na gumawa ng isang memo upang kontrahin ang pagkontra ng finance managers noon sa batas ukol sa feasibility at sustainability nito.
Nagpasalamat ang CHED chairman sa suporta at paggabay ni Go kung kaya higit 2 milyong Pilipinong estudyante na ang nakikinabang ngayon sa libreng matrikula sa mahigit 200 state universities at colleges.
Nakasentro ang summit sa apat na pangunahing programa na humuhubog sa kinabukasan ng higher ecucation sa Pilipinas: ang UP Data Commons, Philippines Massive Open Online Courses (PHMOOCs), UP Archipelagic and Ocean Virtual University (UPAOVU), at mga programa para sa TVUP, isang online television (webcast) network sa ilalim ng pamamahala ng UP.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel na ginagampanan ng edukasyon sa pag-unlad ng bansa.
Naniniwala ang mambabatas na ang edukasyon ang pinakamahusay na equalizer, makapangyarihang kasangkapan na makapag-aangat sa mga indibidwal at komunidad mula sa kahirapan at magbibigay daan sa isang mas maliwanag na kinabukasan.
Binigyang-diin niya na maaaring pagsamahin ng SUCs ang kanilang mga resources, kaalaman, at kadalubhasaan upang makapaghatid ng dekalidad na edukasyon sa mga estudyanteng Pilipino.
Hinikayat niya ang CHED, SUCs, at UP na huwag kalimutan ang misyon na ang edukasyon ay higit sa pag-aaral bagkus ay tungkol sa pag-aalaga ng mga indibidwal na mamamayang Pilipino na maituwid ang moral dahil sila ay may kakayahan sa intelektwal, kasing empatiya gaya ng sila ay may kakayahan.
“Hindi lang dapat magaling sa classroom ang mga mag-aaral kundi dapat may malasakit at handang magserbisyo po sa kapwa,” idiniin ni Go.