
Checkpoints pinababaklas
MARIING hinikayat ng commuter at transport groups na alisin ang mga checkpoints sa Metro Manila at nearby provinces sakop ng NCR Plus bubble.
Sa interview iginiit ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), kung mag extend pa ang enhanced community quarantine (ECQ) ay pag-aralang mabuti ng Inter-Agency Task Force (IATF) na alisin na ang mga checkpoints.
Ayon pa kay Inton, sinabi na ng Move as One Coalition ang mga checkpoints ay dagdag sa health risks at nakakaabala sa transport capacity mobility.
Habang ang police visibility ay para makatulong sa pag responde kapag may emergency, ang checkpoints ay abala, saad ni Inton.
Paliwanag pa ni Inton, sa checkpoints kapansin pansin din na puro mga motorcycle rider delivery ang pinahihinto kahit kitang kita naman na may dalang essentials tulad ng pagkain na kailangan i-deliver.
Hindi rin naman malalaman ng pulis, barangay tanod o sino pa man sa checkpoint kung may sakit na COVID-19 ang isang tao kapag hinarang ito sa checkpoint, sabi ni Inton.
Sangayon si Inton sa isinaad ng Move As One Coalition na may kontribusyon din ang checkpoints sa health risk dahil sa pagdikit-dikit ng mga motorista.
Nilinaw din ni Inton at inuulit nito na hindi niya nilalabanan ang polisiya ng IATF at nais niyang maging malinaw lamang ito para talagang makapipigil ng pandemya.
Humihingi din ng malinaw na polisiya sa IATF ang commuter at transport group matapos mamatay ang isang 26-year old na lalaki matapos bugbugin ng mga tanod ng mahuli sa curfew sa Calamba, Laguna.