Chavit

Chavit, ayaw paawat sa pagdiskubre ng pantapat sa BTS at Blackpink

July 18, 2023 Ian F. Fariñas 246 views

AYAW paawat ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa pagdiskubre sa Pinoy talents tulad ng Hori7on na pwedeng ipantapat sa sikat na Korean groups na BTS at Blackpink.

Ibinahagi niya na tuloy ang pakikipag-collab niya sa ABS-CBN Dream Maker para makabuo muli ng isa pang boy group na maaring ipadala para mag-train sa Korea.

“Magagaling, nakita ko na sila na… five months na o six months na ngayon doon (sa Korea). Pero magagaling dahil lalabas na sila, eh. Pero ‘yung iba, four years, five years, taon kung mag-training.

Ito ang bilis, eh. Ba’t ang bilis, ‘kako, magagaling sila, eh. So magre-recruit uli kami by November. Lalaki pa. Babae nga sana, ‘kako, eh, lalaki pa rin. Kahit BTS panay lalaki,” ani Chavit sa press.

Pantapat ba ang grupo sa BTS? Sagot niya, “Hahaha, pwede, ang gagaling nila. Magagaling! Ako nga… mukhang Koryano na sila, eh, mga buhok, may kulay na, eh. Nakita ko sila sumayaw doon, araw-araw, 12 hours a day ang practice nila.”

Bukod sa pagdiskubre ng pambatong P-pop groups, nagbukas din si Chavit ng Korean barbeque chicken resto na hatid ang fried chicken na na-feature sa sikat na K-dramas gaya ng Goblin: The Lonely Great God, Crash Landing On You, The King: Eternal Monarch at My Love From The Stars.

Matatagpuan ito sa 3rd floor ng Robinsons Magnolia sa Quezon City at nagkaroon ng pormal na inauguration nitong Linggo kasama ang ilang showbiz celebrities tulad nina Korina Sanchez, Rico Robles, Viva talent Phoebe Walker at QC Vice Mayor Gian Sotto.

Actually, ikalawang branch na ito ng BBQ Chicken na ang unang sangay ay matatagpuan naman sa BGC.

Obviously, malaki ang suportang nakuha ng unang branch ng BBQ Chicken kaya naman very optimistic at excited si Chavit na ipakalat ang branches nito sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila.

Ayon sa kanya, bukas sila for franchising basta’t may magandang lokasyon.

“So, anybody is qualified… sa Korea, meron silang Chicken University. So lahat ng franchisee, mga chef, mag-aaral doon ng two months. Pero nahiling ko na dito na lang mag-training para hindi masyadong malayo. Kasi balak na maglalagay tayo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila,” pahayag ng dating politiko.

Anyway, must-try ang lahat ng variants ng kanilang fried chicken, bulgogi bibimbap, cobb salad, olive o soy tteokbokki, fried sampler at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE