Alan Peter Cayetano

Cayetano umalma sa P1K ayuda sa Bayanihan 3

May 11, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 685 views

HINDI kinatigan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala ng House committees on economic affairs at on social services na kakarampot na P1,000 ayuda lamang ang ipamimigay sa bawat indibidwal sa ilalim ng Bayanihan 3.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Cayetano na sapat ang P200 bilyong pondo ng panukalang Bayanihan 3 para makapagpamahagi ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya.

“Hindi limos ang hinihingi ng ating mga kababayan. Tulong, dahil extraordinary ang problema,” giit ni Cayetano.

Nitong Pebrero, inihinain ni Cayetano at kaniyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill na naglalayong mabigyan ng P10,000 tulong-pinansyal sa bawat pamilyang Pilipino habang patuloy ang kawalan ng trabaho at kagutumang dulot ng pandemya.

Isinama ang panukalang batas sa bagong bersyon ng Bayanihan 3, pero sa kasamaang-palad ay hindi isinali ang probisyon na P10,000 ayuda bawat pamilya.

Hinimok ng dating Speaker ang publiko na manawagan sa mga mambabatas na suportahan na ang mungkahing mabigyan ng P10,000 tulong-pinansyal ang bawat pamilya.

“Ligawan po natin ang ating mga kongresista,” ani Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na maaaring sumulat ang concerned citizens sa kani-kanilang mga kongresista at mga lokal na opisyales na i-endorso ang 10K Ayuda Bill.

Kumpiyansa naman si Cayetano na hindi ibi-veto o tatanggihan ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte ang 10K Ayuda Bill kapag ipinasa ito ng Kongreso dahil may mapagkukunan naman ng pondo para dito.

“Nandun ako sa Gabinete nung ginawa yung Free Education (Act). Iyon din ang sinabi. Pero nung nakita ng Pangulo na may pera, nakita niyang maganda ang programa, laban,” ayon kay Cayetano.

AUTHOR PROFILE