carlo

Carlo, inamin ang pakikipag-date kay Charlie

January 7, 2023 Ian F. Fariñas 308 views

TINULDUKAN na ni Carlo Aquino ang mga haka-haka tungkol sa tunay na relasyon nila ni Charlie Dizon sa pagsasabing “very positive” ang pasok ng aktres sa buhay niya at nasa “getting-to-know-you” stage pa lang sila.

Sa presscon kahapon ng bago niyang pelikula na I Love Lizzy katambal si Barbie Imperial mula sa Star Magic at MavX Productions, ikinuwento ni Carlo kung paano sila nagkalapit ni Charlie, na unang nagbida at nakilala sa movie na Fan Girl.

Ayon sa aktor, nagkasama sila sa Kapamilya series na A Soldier’s Heart at matapos iyon ay naging bahagi sila ng isang Kapamilya US tour.

Doon sila lalong nagkakilala at pag-uwi ng ’Pinas ay nagtuluy-tuloy na ang ugnayan nila.

Kinumpirma rin ni Carlo ang sightings sa kanila sa La Union kung saan sinalubong nila ang Bagong Taon kasama ang pamilya niya at ilan pang mga kaibigan.

Madadalas ang kanilang pagsasama ngayong 2023 dahil hindi pa nila tapos gawin ang Blacksheep project na Love on a Budget.

Ayon sa aktor, “Four, five days, parang ganu’n. Hindi pa (tapos), meron pa kaming lock-in ng Feb kasi dahil nga maulan tapos biglang iinit. May mga iba nagkakasakit.”

Wala raw location shoot sa mga probinsya tulad ng La Union at puro Metro Manila lang ang set nila.

“Ako, kinikilala ko si Charlie kung ‘yun ‘yung gusto niyong malaman. Very positive ‘yung pasok niya sa buhay ko. So let’s leave it at that.

“Kasi usually kapag lumalabas, may mga naninira, ‘yung mga tao. Alam mo ‘yung importante sa akin ito. Nirerespeto ko ‘yon, nirerespeto ko kayo and sana hayaan muna natin ‘yon.”

Nakatakdang bumiyahe sa Japan si Carlo ngayong Enero para sa isang proyekto na collaboration ng Pinoy at Japanese producers.

Kaya naman busy siya ngayon sa pagpo-promote ng I Love Lizzy na bahagi ng 30th anniversary ng Star Magic kasama ang dalawa pang collab sa MavX na Swing, starring Jane Oineza and RK Bagatsing, at Unravel nina Gerald Anderson at Kylie Padilla na ipapalabas sa cinemas nationwide simula January 18.

AUTHOR PROFILE