
Carlo balitang ikinasal kay Charlie matapos manalo
NATULOY kaya ang napabalitang pagpapakasal (scheduled June 9) ng magkasintahang Carlo Aquino (38) at Charlie Dizon (28)? Bago ito ay nanalong Best Actress ang singer-actress na si Charlie sa Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa romance-drama movie na “Third World Romance” na pinagtambalan nila ni Carlo mula sa panulat at direksyon ni Dwein Baltazar under Blacksheep Productions.
“Best gift ever,” ito ang nasambit ni Charlie matapos niyang matanggap ang kanyang kauna-unahang Gawad Urian trophy.
Bago ang Gawad Urian trophy ay nakakuha siya ng tatlong Best Actress trophy for her 2020 movie na “Fan Girl” mula sa Metro manila Film Festival, PMPC’s Star Awards for Movies at The Eddys or The Entertainment Editors Choice Award mula sa Society of Philippine Entertainment Editors, ang samahan ng mga entertainment editors ng Pilipinas. Among the other acting award giving bodies, tanging FAMAS at Luna Awards ng Film Academy of the Philippines na lamang ang hindi pa nasusungkit ng aktres.
Considering na nung 2017 pa lamang nagsimula si Charlie sa showbiz, malaking karangalan para sa kanya ang nakuha niyang pagkilala sa kanyang acting talent at umaasa siya na patuloy umano siyang pagkakatiwalaan ng magagandang material na kanyang bibigyang-buhay either sa small or big screen.
Masaya rin ang aktres sa kanyang bagong panalo dahil nataon na nasa Pilipinas ngayon ang kanyang parents at ito’y kanyang inaalay sa kanila maging sa kanyang nobyo at co-star na si Carlo Aquino.
Imelda tuloy ang public service bilang PCSO director
KULANG na lamang na magsisigaw sa sobrang tuwa ang tinaguriang Original Jukebox Queen at Asia’s Sentimental Songstress, hitmaker, OPM icon at dating vice-governor ng Camarines Sur na si Imelda Papin nang iparating sa kanya ng Malacanang na siya’y uupo bilang isa sa mga director ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa recent tsikahan with her entertainment press friends, inamin ni Imelda na masaya siya sa kanyang bagong posisyon dahil natitiyak niyang mas maraming nangangailangan ang matutulungan lalupa’t ito naman talaga ang mantra ng PCSO ang makatulong sa mga kapus-palad nating mga kababayan.
Sa kanyang pagsisimula sa kanyang bagong tungkulin, agad sisimulan ni Imelda ang kanyang bagong programa sa tulong ng iba pang board members na maisakatupaan ang “Isang Linggong Serbisyo” na mukhang hango sa kanyang megahit song na “Isang Linggong Pag-ibig”.
“Hindi na bago sa atin ang pagtulong sa mga nangangailangan,” lahad niya.
“Siguro, ginawa lamang tayong instrumento na ilagay sa PCSO para mas marami pa tayong mga kababayan ang matulungan,” aniya.
Malaking bagay din ang paninilbihang vice-governor ng Camarines Sur ni Imelda sa loob ng tatlong termino dahil dito umano niya nahasa ang serbisyo publiko at pagtulong sa kapwa.
Ngayong may bagong tungkulin si Imelda sa PCSO, ang kanyang pagiging pangulo ng samahan ng mga artista ng pelikulang Pilipino ay nakatakda niyang ipasa sa kanyang bise presidente na si Hero Bautista pero mananatili umano siyang nakasuporta rito.
May mga nagtatanong din kay Imelda kung kakandidato ito sa pagka-senador sa taong 2025 mid-term elections.
“Dito muna tayo sa PCSO,” aniya. “But we are not closing our doors,” pahayag pa niya.
Samantala, bago pa man ang kanyang appointment bilang isa sa mga director ng PCSO ay busy ang singer and former politician sa iba’ t ibang special screening ng kanyang “Imelda Papin: The Untold Story” na pinagbibidahan ni Claudine Barretto (who played Imelda in the movie) kasama sina E.R. Ejercito, Alice Dixson, Gary Estrada at Maffi Papin, among others.
“Balak din namin ito dalhin sa iba’t ibang bansa para mapanood ng ating mga kababayan,” paglalahad pa nya.
Ang “Imelda Papin: The Untold Story” ay mula sa panulat at direksyon ni Gabby Ramos and produced by Queenstar Productions.
Rhen sobrang nahirapan sa bagong pelikula
HINDI ikinakaila ng mahusay na actress na si Rhen Escano na ginawa umano niyang stepping stone ang kanyang pagpapa-sexy para siya’y mapansin at hindi naman umano siya nagkamali at hindi rin nya pinagsisihan ang ginawa niyang pagpapakita ng skin sa kanyang launching movie sa bakuran ng Viva Films sa pamamagitan ng “Adan” kung saan sabay niyang ni-launch ang dating beauty queen-turned actress na si Cindy Miranda.
Gumawa pa siya ng ilan pang sexy movies after “Adan” pero marami na nakapansin sa kanyang husay sa pag-arte at kasama na rito ang actor-director-producer na si Coco Martin na siyang kumaha sa kanya para siya’y maging bahagi ng longest-running action-drama TV series na “FPJ’s ang Probinsiyano” na kinabilangan niya sa loob ng mahigit isang taon.
“Malaki rin ang utang na loob ko kay Direk Coco sa kanyang paniniwala sa akin,” pahayag ni Rhen sa kanyang kauna-unahang action-drama movie na “Karma” na pinamahalaan ng mahusay na writer-director na si Albert Langitan, isa sa mga director ng “FPJ’s Ang Probinsyano”.
Sa “Ang Probinsyano” ko nakita ang potential ni Rhen bilang isang mahusay na actress,” ani Direk Albert.
“Hinintay ko lang talaga na magkaroon ng pagkakataon na maidirek ko siya (Rhen) sa isang pelikula,” pag-amin pa ng director ng “Karma”.
Aminado si Rhen na sobra umano siyang nahirapan sa “Karma” movie considering na pawang drama ang genre na kanyang ginagawa. There was even a time na gusto niyang umatras pero ayaw niyang ma-disappoint ang kanyang director na sobrang naniniwala sa kanyang kakayahan.
“He really pushed me,” ani Rhen.
“Kung si Direk Albert ay naniniwala na kaya ko, dapat lang siguro na pagtiwalaan ko rin ang sarili ko na kaya ko,” aniya.
Bago mag-shooting ay sumailalim si Rhen ng mga actions stunts training para sa gun shooting.
“I challenged myself,” pag-amin nya.
Prior to “Karma,” si Rhen ay napanood sa “Can’t Buy Me Love” TV series na pinagbidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano at kasalukuyan din siyang napapanood sa TV adaptation ng 1986 hit action-drama movie na “Lumuhod Ka Sa Lupa” sa TV5 kung saan niya mga kabituin sina Kiko Estrada, Sarah Lahbati, Gardo Versoza, Sid Lucero at Iba. Si Sid, Paolo Paraiso, Krista Miller at Roi Vinzon ay mga kasama ni Rhen sa “Karma” na matutunghayan na sa mga sinehan nationwide simula sa June 19.
Ang pelikulang “Karma” ay first action-drama movie ni Rhen.
Samantala, tiyak na masayang-masaya ang Master Showman at star builder na si German `Kuya Germns’ Moreno sa kanyang kinaroroonan ngayon dahil isa si Rhen sa kanyang binigyan ng break sa kanyang long-runing late night variety show na “Walang Tulugan with the Master Showman” on GMA na tumagal ng mahigit 20 taon. Bukod kay Rhen, nariyan din sina Ken Chan, Jake Vargas, Sanya Lopez, Buboy Villar, Jak Roberto at iba sa mga nabigyan niya ng pagkakataong mag-shine.