Default Thumbnail

Carlo Aguilar Nagsimula ng Kampanya: ‘Bagong Las Piñas’ Ipinangako

March 29, 2025 People's Tonight 205 views

Opisyal nang sinimulan ni mayoral candidate Carlo Aguilar ang kanyang kampanya nitong Biyernes, Marso 28, na may pangakong itaas ang antas ng Las Piñas tungo sa isang moderno at maunlad na lungsod matapos ang matagal na pagkaantala ng progreso sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa isang punong-puno at mainit na pagtitipon sa San Ezekiel Moreno Parish Church sa may C5 Extension, barangay Pulanglupa Uno,

Ibinida ni Aguilar ang kanyang bisyon para sa isang “Bagong Las Piñas”—malayong-malayo sa tinawag niyang “Last Piñas,” kung saan aniya ay napag-iwanan na ang lungsod pagdating sa imprastraktura, ekonomiya, at serbisyong pampubliko kumpara sa ibang siyudad sa Metro Manila.

Dumalo sa campaign launch ang lahat ng lokal na kandidato sa ilalim ng Nacionalista Party, kabilang si Sen. Cynthia Villar, na tumatakbo para sa nag-iisang puwesto ng lungsod sa Kongreso. Kasama rin sa event ang mga barangay at SK officials, homeowners association officers, kababaihan, kabataan, senior citizens, at iba pang sektor ng komunidad.

Sa kanyang talumpati, iginiit ni Aguilar ang kagyat na pangangailangan ng bagong pamumuno sa Las Piñas.

“Dati, nangunguna tayo. Pero ngayon, napag-iiwanan na tayo! Siksikan pa rin sa kalsada, walang asenso ang ekonomiya, at hindi gumaganda ang ating serbisyo publiko. Oras na para sa isang Bagong Las Piñas!”

“Hindi tayo pwedeng makuntento sa tatlong taon pa ng pare-parehong kapabayaan. Ang Las Piñas ay hindi lang apelyido—kailangan nito ng totoong liderato!”

Ipinakita ni Aguilar ang kanyang konkretong plataporma na tutok sa modernisasyon, pang-ekonomiyang pag-unlad, at serbisyong panlipunan.

Sa kanyang panawagan, hinimok ni Aguilar ang mga botante, lalo na ang kabataan at mga first-time voters, na lumaban para sa pagbabago.

Habang umiinit ang kampanya, nakatakda si Aguilar at ang kanyang grupo na magsagawa ng malawakang city-wide campaign sa pamamagitan ng house-to-house visits, town hall meetings, at social media outreach.

AUTHOR PROFILE