
Carlene nagpasalamat kay Jennylyn sa pag-aalaga sa anak

IPIMAHAYAG ni Jennylyn Mercado sa Instagram post ang pamamahal niya sa kaniyang stepson na si Calix, na nagdiwang ika-17 taong kaarawan. Bagay na ipinagpapasalamat ng ina ni Calix na si Carlene Aguilar.
Sa selebrasyon ng kaarawan ni Calix nitong Linggo, nag-post si Jennylyn ng mga larawan ng binatilyo nang sumabak ito sa fencing competition.
“Happy birthday, Kuya Calix! May all your wishes come true today and every day. We love you!” mensahe ng Kapuso actress sa caption.
Nag-iwan naman ng mensahe sa comment section si Carlene para pasalamatan si Jennylyn sa pagmamahal nito kay Calix.
Thank you Mommy Jen for loving Calix as your own,” saad ng dating beauty queen.
Si Calix ay anak nina Carlene at Kapuso actor Dennis Trillo, na asawa na ngayon ni Jennylyn. May sarili na rin ngayong pamilya si Carlene.
Nag-post din si Dennis sa Instagram ng video sa fencing competition ni Calix para batiin ang anak.
“Daisy Siete! Congrats to my panganay, so proud of you, mahal na mahal ka namin! We’re always here for you! Happy Birthday,” anang aktor sa caption.
Si Calix ang panganay na anak nina Dennis at Jennylyn sa kanilang “blended” family.
May isang anak din si Jennylyn na si Jazz, sa dati nitong nobyo na si Patrick Garcia, at bunso naman sa magkakapatid si Baby Dylan, na anak nina Dennis at Jennylyn.
Mikoy nagpakitang gilas sa ‘Pulang Araw’

PAGKATAPOS ni Rochelle Pangilinan, ang aktor na si Mikoy Morales naman ang inulan ng papuri ng mga manonood ng “Pulang Araw” dahil sa husay ng kaniyang pagganap bilang si “Tasyo,” na isinalang sa torture scene kasama si Alden Richards.
Sa naturang episode ng historical drama series ng GMA, pinahirapan ni Japanese Colonel Yuta Saitoh (Dennis Trillo), ang mga karakter nina Alden at Mikoy para malaman kung nasaan ang amang Amerikanong sundalo ni Eduardo (Alden).
Sa ipinakitang akting ni Mikoy, madadama ang sakit nang itusok kunwari ng sundalong Hapon ang karayom sa ilalim ng kuko ni Tasyo.
“Kilabot sa akin to learn about it, yung scene and all these things that happened before and bringing it back to life. So medyo iba yung dating sa akin,” ayon sa aktor.
Ipinaliwanag din ni Mikoy kung papaano nila ginawa ang eksena na ginamitan ng finger prosthetics.
“Parang may dinadag na finger ‘yun eh, so when they put it in the nail, hindi pumapasok sa kuko ko ‘yun pero nararamdaman ko pa rin siya,” saad ng aktor.
“It helps that I see it, but it also helps na nasa room si Alden (Richards) saka si Sir Dennis,” dagdag ni Mikoy.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Mikoy ang kaniyang husay sa pag-arte. Katunayan, itinanghal siyang Best Actor sa Cinemalaya Film Festival noong nakaraang taon para sa pelikulang “Tether.”
Ricardo pamilya ang inalala sa pagkakulong niya

NAGING emosyonal ang aktor na si Ricardo Cepeda nang magkuwento matapos pansamantalang makalaya mula sa kinakaharap na kaso na syndicated estafa.
Halos 11 buwan na nadetine si Ricardo sa Cagayan Provincial Jail. Pansamantalang nakalaya ang aktor nang payagan siya ng korte na maglagak ng piyansa. Kaya naman labis ang saya ni Ricardo nang muli niyang makapiling ang pamilya.
Pero ayon sa aktor, mas nag-alala siya sa kaniyang pamilya nang arestuhin siya sa kaso na wala naman umano siyang direktang kinalaman sa operasyon ng kompanyang kinasangkutan.
“My worry is sila. How are they going to handle it, how are they going to handle people saying things about me, iyong negativity they may hear.”
Inakala rin umano ni Ricardo na kaagad na matatapos ang kaniyang kaso kapag nakapagpakita na siya ng katibayan na model o endorser lang siya ng produkto ng inirereklamong kompanya.
“Akala ko talaga [the case] would be over once nakita, nabasa nila, nakita nila na, huh, hindi siya kasama. I really thought, we thought, two months lang baka tapos na ito. You try to be positive.”
Nagpapasalamat si Ricardo sa kaniyang life partner na aktres na si Marina Benipayo, na itinuturing niyang “hero” sa pagsubok na kaniyang hinarap.
“Sabi ko nga she’s my hero. She really kept everything together na that’s what helped me also inside knowing that somebody is taking charge outside.”
Wala pang nakatakdang schedule ng pagdinig ang korte kaugnay sa kaso ni Ricardo.
Arnel humingi ng apology dahil sa di magandang performance

HUMINGI ng paumanhin si Arnel Pineda, ang Pinoy lead vocalist ng American band na Journey, sa hindi niya naging magandang performance sa Rock in Rio Music Festival sa Rio de Janeiro, Brazil.
Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, sinimulan ni Arnel ang kaniyang mensahe sa pamamagitan ng pasasalamat sa mga taong sumusuporta sa kanilang banda.
“This year I appreciate [you all], and not only that, everytime that I’m on stage with the band, I feel this immense gratitude, humility and honor,” saad ni Arnel.
Kasabay nito ang pagtugon niya sa hindi niya magandang performance sa Brazil concert, at siya pa mismo ang naglagay ng link ng tugtugin sa “Behind the Songs” page, at inihayag na, “no one more than me in this world feels so devastated about this.”
Sa video na kuha noong September 21, makikita na hirap si Arnel na maabot ang mataas na tono sa kanilang hit song na “Don’t Stop Believin.”
“It’s really amazing how one thousand right things you have done will be forgotten just cause of this and of all the places, it’s in Rock In Rio,” saad ni Arnel.
Ayon kay Arnel, “I suffered emotionally and mentally” at tinanong ang fans kung dapat pa ba siyang manatili sa banda o hindi na.
“I am offering you a chance now (lalo na ang mga galit sa kaniya) to simply text GO or STAY right here,” lahad ng Pinoy singer. “And if GO reaches 1 million. I’m stepping out for good. Are you game folks? Let’s start.”
Sa huli, nagpasalamat si Arnel sa fans at mga kaibigan na na “naniwala” sa kaniya simula sa umpisa.
Taong 2007 nang maging lead singer ng Journey si Arnel makaraang umalis ang dating lead vocalist ng banda na si Jeff Soto.