DA

CamNor avian influenza-free na–DA

March 5, 2025 Cory Martinez 279 views

FREE of avian influenza na ang Camarines Norte, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos ang matagumpay na pagpigil sa nakakahawang sakit dahil sa mabilis na aksyon ng local government units at DA.

Isang kaso ng nakakahawang avian influenza subtype H5N2 ang nakumpirma noong Disyembre sa duck farm sa Talisay, ayon sa DA.

Nakipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte sa munisipyo ng Talisay sa DA Regional Field Office V at sa Bureau of Animal Industry (BAI) at mabilis na ipinatupad ang komprehensibong control strategy.

Kabilang dito ang depopulation sa apektadong farm, masinsinang paglilinis at disinfection, pagkontrol sa kilos, at pinagandang surveillance na mga hakbang na ayon sa mga panuntunan ng Avian Influenza Protection Program (AIPP).

Kasunod ng mga aksyon, walang naitalang bagong infection sa mga ibon sa ginawang surveillance sa 1-kilometer at 7-kilometer radius ng mga apektadong lugar.

Sa memorandum circular 06 na ipinalabas ni Tiu Laurel, inihayag nito na matapos ang 28 araw, wala nang naitalang mga bagong kaso matapos ang stamping-out policy at disinfection.

Nakatugon ang Camarines Norte sa pamantayan ng World Health Organization for Animal Health upang mabawi ang avian influenza-free status.

Bago nangyari ang isolated case, may malinis na record sa avian influenza ang lalawigan.

Ang matagumpay na pagpigil at mga hakbang upang maalis ang kontaminasyon dahil sa tulong ng local government units, DA, BAI at mahigpit na biosecurity quarantine measures.

AUTHOR PROFILE