Default Thumbnail

Caluya nasa ‘state of calamity’ dahil sa oil spill

March 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 215 views

ISINAILALIM na sa “state of calamity” ang munisipalidad ng Caluya sa Antique dahil sa labis na pinsalang dulot ng oil spill sa katubigang sakop ng baybayin ng tatlong barangay.

Sa ilalim ng Resolution 31, Series of 2023 na ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Caluya sa special session nitong Lunes, sinabing ang oil spill ay kumalat na sa baybayin ng Sitio Sabang sa Barangay Tinognoc, Toong, Banja Proper at Sitio Balinao sa Barangay Semirara, at Sitio Liwagao sa Barangay Sibolo.

“The oil spill can lead to possible widespread environmental and health hazards all throughout the islands of the municipality, which is detrimental to public health and economic well-being of the residents, most especially the fisherfolks, shell collectors, and seaweed farmers composing the majority and the marginalized sectors of our society,” saad ng resolusyon.

Ayon pa sa resolusyon, ang kabuhayan ng mga residente sa lugar partikular na ang mga nakatira sa mga barangay ng Alegris, Sibato, at Imba ay umaasa lamang sa katubigan na apektado ng oil spill.

Kaugnay nito, nanawagan ang munisipalidad ng tulong sa national government at iba pang ahensiya ng gobyerno na tulungan silang mapigilan ang pagkalat ng kontaminasyong dulot ng oil spill.

“The municipality calls for immediate response and intervention from the national government agencies, technical experts, and stakeholders in providing the necessary intervention to prevent the widespread contamination in other islands of the municipality,” dagdag pa ng resolusyon.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development Disaster Response Management Division head Judith T. Barredo, karamihan sa mga apektado ay pawang mga mangingisda na nakakaamoy ng oil spill.

Batay sa pinakahuling tala ng Coast Guard District Western Visayas (CGDWV), umaabot sa 6,298 pamilya o 22,020 indibidwal na ang apektado ng insidente.

Ayon sa ulat ng CGDWV, nitong Martes ng gabi ay umabot na sa 190 sako ng oily wastes ang nakolekta mula sa coastline ng Sitio Sabang sa Barangay Tinogboc.

Gayunman, pansamantalang inihinto ang clean-up operation dahil na rin sa high tide.