Rodriguez Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez

Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez: Kompanyang ‘kasabwat’ ng China kasuhan

April 25, 2025 People's Tonight 122 views

NANAWAGAN si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga opisyal at miyembro ng board of directors ng kompanyang kinontrata ng Tsina upang isulong ang naratibo nito kaugnay ng West Philippine Sea (WPS).

Ginawa niya ang panawagang ito matapos isiwalat ni Sen. Francis Tolentino, chairman ng Senate special maritime committee, sa isang pampublikong pagdinig noong Huwebes na ang isang kompanyang nakabase sa Makati ay kinuha ng Tsina para sa mga “keyboard warriors” na magpapakita ng magandang imahe ng Beijing sa gitna ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS.

“The DOJ and the National Bureau of Investigation should file charges for treason and other violations of the Revised Penal Code and the National Security Act against officers and directors of the firm,” pahayag ni Rodriguez.

“In general, these laws punish any Filipino who betrays or is disloyal to his country and who works against its national interest, sovereignty and territorial integrity,” dagdag pa niya.

Ayon sa dating law dean, dapat ding sampahan ng kaso bilang “principals by direct participation” ang mga opisyal ng embahada ng Tsina na nakipagkontrata sa kompanya.

“These Chinese diplomats and embassy staff should likewise be immediately sanctioned by the Department of Foreign Affairs,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig ng kanyang komite, sinabi ni Tolentino na kinuha ng Tsina ang kompanyang nakabase sa Makati para sa kanilang “troll farms.”

“China’s government through its embassy is paying Filipino troll farms to oppose and smear the administration,” aniya.

Si Rodriguez, na kilalang kritiko ng agresibong pagkilos ng Tsina sa WPS, ay nanawagan kay Tolentino na ipatawag ang mga opisyal at board members ng nasabing kompanya upang ipaliwanag ang mga detalye ng kanilang kasunduan sa pamahalaang Tsino.

“I am interested in knowing the social media personalities they have engaged and paid to work against our national interest and promote China’s false narratives on the West Philippine Sea,” ani Rodriguez.

Binanggit din niya na sa isang pagdinig kamakailan sa Kamara, isiniwalat ng isang opisyal ng Meta (dating Facebook) na pinabulaanan ng kanilang fact-checker ang maling post ng isang blogger na nagsabing gumamit umano ng water cannon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang insidente laban sa China Coast Guard (CCG).

Matapos mapatunayang mali ang pahayag ng blogger, naglabas ng paglilinaw ang Meta na nagsasabing hindi kailanman gumamit ng water cannon ang PCG laban sa CCG.

Sa pagdinig sa Senado noong Huwebes, sinabi rin ng isang resource person ng komiteng pinamumunuan ni Tolentino, si National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, na may nakita silang mga “indikasyon” na pinopondohan ng Tsina ang ilang kandidato sa halalan sa Mayo 12.

AUTHOR PROFILE