
Bullying sa classrooms iimbestigahan ng Senado
MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Senate Committee on Basic Education kaugnay ng mga bullying at karahasan sa mga pampublikong paaralan, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Bilang tagapangulo ng komite, ipinaliwanag ni Gatchalian na layunin ng pagdinig na suriin ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) sa pagpigil sa ganitong mga insidente.
Ipinunto ni Gatchalian ang kanyang pagkabahala sa dumaraming kaso ng bullying at karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pinakahuling insidente kung saan ilang babaeng mag-aaral ang salit-salitang hinablot sa buhok ng mga kaklase sa paaralan sa Quezon City.
Binanggit din ng senador ang insidente kung saan nasawi ang 14-anyos na Grade 8 student sa Parañaque City dahil sa pananaksak.
“Nakakabahala ang sunod-sunod na mga insidente ng karahasan sa ating mga pampublikong paaralan na mismong mga mag-aaral ang sangkot,” sabi ni Gatchalian.
Iminungkahi rin ng senador na dapat tiyaking naipatutupad ang mga programa at serbisyong nakatuon sa anti-bullying, counseling at kalusugang pangkaisipan.
Ayon sa kanya, mahalagang bahagi nito ang epektibong implementasyon ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080).
Ayon sa batas, kinakailangang bumuo ng School-Based Mental Health Program na sasaklaw sa mga serbisyong gaya ng screening, evaluation, assessment at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; at mga programang emosyonal, pangkaunlaran at pang-prebensyon, bukod pa sa ibang serbisyong sumusuporta.