Default Thumbnail

Bulacan pinuri ni Sen. Win sa pagbawal sa POGO

July 14, 2024 PS Jun M. Sarmiento 361 views

PINURI ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Bulacan dahil sa bagong ordinansa nitong nagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanilang nasasakupan alinsunod sa executive order mula kay Gov. Daniel Fernando.

“Dapat tularan ng lahat ng LGU ang Bulacan at ilan ding mga pamahalaang lungsod na nagbabawal na sa mga POGO sa kanilang mga komunidad.

Dahil sa iba’t-ibang krimen na kaugnay ng POGO operations, mas may pagkakataon ang ating mga komunidad na makamit ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya nang walang POGO,” sabi ni Gatchalian.

“Hindi na dapat nating payagan ang POGO na manatili pa sa ating mga komunidad kung gusto nating maging maganda ang peace and order situation na kailangan para mas maging mabilis ang pag-unlad ng ating ekonomiya,” dagdag niya.

Bukod sa Bulacan, ang ibang mga LGU na nag-isyu ng mga ordinansa na nagbabawal na sa POGO ang Pasig at Valenzuela.

Ang ordinansa na inisyu ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan kasunod ng pagkakatuklas ng mga kriminal na aktibidad na isinagawa sa ilalim ng pagkukunwaring POGO operations sa kalapit na mga lalawigan ng Tarlac at Pampanga.

“Ang tuluyang pag-ban sa mga POGO isang hakbang na kailangan nating gawin dahil sa iba’t-ibang mga suliraning panlipunan na dulot ng industriya,” binigyang-diin ni Gatchalian.