Allan

Bulacan Airport City Economic Zone?

March 17, 2024 Allan L. Encarnacion 142 views

HINDI pangkaraniwang teritoryo kapag sinabing economic zone.

Isa itong balwarte na pinapasukan at pinaglalabasan ng mga produkto na 100% ay hindi napapakialaman ng Bureau of Internal Revenue.

Karaniwan, Bureau of Customs na ang nangangasiwa pero may sistema sa ecozone na kapag dyan mo ipinasok ang iba’t ibang bagay, gaya ng sasakyan, construction materials at iba pa ay hindi na siya sisingilin ng importation tax, lalo na kung gagamitin sa loob mismo nito. Pero may mga insidente rin na nagiging pugad ng smugglers ang isang ecozone.

Iyong taktika na magpapasok ng sangkatutak na imported cars para daw gamitin sa loob pero kapag inimbestigahan mo, ibinebenta na pala sa labas, lalo na iyong mga luxury cars.

At ang mga locators o mga negosyong itinatayo sa loob ng ecozone ay may malaking tax incentives.

May kakaibang katangian kapag sinabing ecozone ang isang lugar, marami siyang pribiliheyo na wala sa business district gaya ng Bonifacio Global City or Makati Business District.

Ang mga halimbawa ng economic zone ay ang Clark Field sa Angeles City, Pampanga, Cagayan Economic Zone, Subic sa Zambales, Apeco sa Casiguran, Aurora provice at may isa ring ecozone sa Batangas.

Ang panukalang ecozone na ito ay nasa Bulakan, Bulacan na pagtatayuan ng bagong airport ng San Miguel Corporation ni Boss Ramon S. Ang.

Sa ngayon, nasa proseso pa lang ng pagtatambak sa naturang airport at inaasahang maitatayo sa loob ng lima hanggang pitong taon. Habang binabasa nyo ito, sapa pa lang siya!

Ang tanong, qualified ba ang naturang lugar para maging Airport City Economic Zone?

Ang sagot, kailangang mag-ingat ang ating mga Senador at kongresista sa pagsusulong ng Bulacan bilang economic zone. Una, masyadong malapit sa Clark, ibig sabihin, magiging kakumpetensiysa pa siya sa income generation na hindi dapat mangyari.

Pangalawa, sa kanyang present status na sapa pa lang at kasalukuyang tinatambakan, hindi pa angkop na maging ecozone dahil parang hangin ito na iyong nararamdaman pero hindi mo pa nakikita. Ibig sabihin, wala pang malinaw na boarder, perimiters para magmerito ng isang ecozone.

At higit sa lahat, wala silang naisumiteng comprehensive plan para sa projected income, cost benefit analysis at iba pang detalye para maging ecozone.

Tama ang posisyon ni Senador Alan Peter Cayetano na hindi dapat madaliin ang Bulacan ecozone. Valid ang mga puntos ni Sen. Alan, lalo na nang sabihin niyang wala palang approval ang NEDA o National Economic Development Authority para sa pagkakaroon ng ecozone sa Bulacan.

Huwag nating kalilimutan na NEDA ang parang Supreme Court ng bansa kung usapin ng ekonomiya ang nakasalang. Kapag sinabi ng Korte Suprema na mali ang pasya ng CA at lower court, tulog na ang kaso. Ganoon din sa NEDA, pag sinabi niyang wala tayong kikitain dyan at hindi economically viable, tulog na ang proyekto!

Walang big ticket project ang bansa na hindi nagbibigay ng study o approval ang NEDA dahil kailangang mailatag ang pros and cons ng proyekto para hindi magsayang ng pera ang pamahalaan at hindi makapagbigay ng undue advantage sa mga korporasyon o indibiduwal.

Napanood natin ang interpellation ni Sen. Alan sa sponsor ng bill na si Senador Grace Poe. Mukhang marami pang dapat ihanda si Senador Poe bago niya isulong ulit ang pagiging ecozone ang Bulacan. Kulang na kulang ang presentasyon ni Madame Poe sa kanyang bill. Parang sa class report, pinatayo ka ni Teacher pero ang dala mo lang ay Manila paper na walang nakasulat.

Sa mga basic na tanong lang ni Sen. Alan ay gumuho na ang bill: May feasibility study, cost benefit analysis at may NEDA approval na ba ito?

Wala kasi ito sa sponsorship bill para sa Bulacan ecozone kaya para itong kastilyong buhangin na guguho sa isang banayad lang na hampas ng alon, Senador Grace.

By the way, nabasa ko rin ang opinion ni Finance Secretary Ralph Recto tungkol sa panukalang ecozone sa Bulacan. Sa interpellation, nabanggit ni Senadora na suportado ni Secretary Recto ang panukalang ecozone nang tanungin ito sa kanyang confirmation hearing noong isang linggo.

Bad news para kay Senadora Grace, kinabukasan matapos ang CA confirmation kay Recto, naglabas ito ng written opinion na ipinadala kay Senate President Migs Zubiri. Ang laman ng liham, ayaw din pala ng kalihim ang Bulacan ecozone dahil nga sa mga kakulangan nito ng requirements.

Linawin natin ha, hindi tayo magdedebate na lilikha ito ng maraming trabaho at magbibigay ng kita sa pamahalaan pero kailangan din malinaw ang direksiyon bago tayo sumulong.

Tanong nga ni Senador Alan, “Nanghuhula lang ba tayo rito?”

Ang alam ko sa Quiapo lang maraming manghuhula.

[email protected]