Vic2

Boss Vic deserve ang lifetime achievement award

July 22, 2024 Ian F. Fariñas 275 views

Bong1SA isang pambihirang pagkakataon ay personal na dumalo’t tinanggap ng Viva Films producer na si Boss Vic del Rosario ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award mula sa PMPC Star Awards for Movies na ginanap sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University Linggo ng gabi.

Kasa-kasama ni Boss Vic ang mga proud na anak na sina Vincent at Valerie del Rosario.

Dasurv naman talaga ng Viva produ ang naturang pagkilala para sa kanyang natatanging kontribusyon sa mundo ng TV at pelikula sa loob ng maraming dekada.

Mula sa Viva ay nakilala ang ilan sa pinakasikat at pinakamalalaking bituin sa showbiz ngayon tulad nina Sharon Cuneta, Aga Muhlach, Regine Velasquez, Sen. Robin Padilla, Sarah Geronimo, Nadine Lustre at marami pang iba.

Mula noon hanggang ngayon, patuloy si Boss Vic sa pagbuo ng mga produksyong gaya ng Vivamax, Studio Viva at Viva One, para mas makatulong pa sa pagbibigay ng trabaho sa mas maraming taong kasapi sa work force ng pelikulang Pinoy.

Katunayan, maging noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic ay hindi tumigil si Boss Vic sa pagpo-produce ng mga makabuluhang proyektong nagbigay daan din para makilala ang ilang direktor tulad nina Law Fajardo, Darryl Yap, Roman Perez Jr., atbp.

Sa ilalim ng pangangalaga rin niya isinilang ang streaming stars gaya nina Angeli Khang, Azi Acosta, Christine Bermas, Ayanna Misola, Jela Cuenca at marami pang iba.

Anyway, ang mag-asawang Sen. Bong at Rep. Lani ang naatasang mag-present ng award kay Boss Vic.

Sa isang Facebook post, sinabi ng senador na, “Karangalan ko po at ng aking maybahay na maging bahagi ng 40th PMPC Star Awards for Movies 2024 kung saan iprinisenta namin ang ‘Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award’ sa tinitingala at nag-iisang si Boss Vic del Rosario!

“Sadya nga namang kasing ningning ng pangalan ni Boss Vic ang mga bituin na nagmula sa Viva Films, at mapalad pong kasama ang inyong lingkod doon sapagkat sa Viva po nagsimula ang launching ng ‘Dugong Buhay’ — ang pelikula kung saan ako unang sumabak at nakasama ang aking ama.

“Congratulations, Boss Vic! Tunay kang karapat-dapat sa prestihiyosong pangaral na ito dahil sa napakalaking puwang na iyong pinunan sa mundo ng pelikulang Pilipino! Mabuhay po kayo!”

Samantala, si Sen. Bong naman ang nagwagi bilang Darling of the Press nu’ng gabing ‘yon.

Aniya, “Buong puso po akong nagpapasalamat sa pagkilala sa akin bilang Darling of the Press.

“Marami-rami na rin pong natanggap na awards ang inyong lingkod pero pinaka espesyal po ang parangal na ito dahil napakalapit po sa aking puso ng movie press.

“Sa mga nagsimula po ng PMPC o Philippine Movie Press Club, gaya nila Manay Ethel Ramos, past president Ronald Constantino, Manay Lolit Solis, gayundin sa mga opisyal at miyembro nito, maraming salamat po! Wala pong Bong Revilla kung wala kayo.

“Ibinabahagi ko rin ang Darling of the Press Award na ito sa aking real-life darling na si Cong. Lani M. Revilla! Para sa iyo ‘to, Mama!”

AUTHOR PROFILE