
Bong Go umayuda sa mga nasunugan sa QC
SUMUGOD ang grupo ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga pamilyang nasunugan sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City para magbigay ng karagdagang suporta at suriin ang kanilang kalagayan.
“Sa mga nasunugan, huwag ho kayong mag-alala. Sabi ko nga sa inyo noon, ang gamit ay nabibili. Ang pera ay kikitain, subalit ‘yung perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman,” sabi ni Go.
“Pangalagaan at ingatan po natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa. Ang importante po magtulungan tayo, sino pa ba ang magtutulungan kung ‘di tayo lang po mga kapwa Pilipino. Kaya po nandirito kami ngayon para tulungan kayong lahat sa abot ng aming makakaya, ” idinagdag ng senador.
Namahagi ang grupo ng mambabatas ng grocery packs, meryenda, kamiseta, at iba pang tulong sa 50 apektadong pamilya.
Nagsagawa naman ng assessment ang isang team mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at National Housing Authority (NHA) sa mga potensyal na benepisyaryo para sa kani-kanilang programang pangkabuhayan at pabahay upang lalo pang matulungan ang mga pamilya na makabangon.
Kamakailan ay co-sponsored si Go sa Senate Bill No. (SBN) 2451 o Ligtas Pinoy Centers bill na pangunahing itinataguyod ni Sen. Jinggoy Estrada sa plenaryo ng Senado. Ang panukala na batay sa Mandatory Evacuation Center bill na naunang inihain ni Go, ay layong magtatag ng permanente at well- equipped evacuation centers sa buong bansa.
“Napapanahon na po na magkaroon tayo ng maayos na evacuation center sa bawat lugar. Hindi lang po tuwing puputok ang bulkan, kundi tuwing may bagyo, sunog, lindol o ano pa mang sakuna para komportable, ligtas at mas mabilis makabangon ang apektadong komunidad,” ani Go.
Samantala, hinimok din ni Go ang mga residenteng nasunugan na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Centers para sa tulong medikal na maaaring kailanganin nila.
Aniya, mayroong 11 Malasakit Centers sa buong lungsod kung sakaling kailanganin ang medical-related assistance para sa mga gastusin sa mga pampublikong ospital.
Sinimulan ni Go noong 2018, ang programa ng Malasakit Centers ay na-institutionalize sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019, na pangunahin niyang inakda at itinaguyod sa Senado.
Nasa 159 na ang Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinuportahan din ni Go ang pagtatatag ng Super Health Centers sa buong bansa, upang mailapit ang mga serbisyong medikal ng gobyerno sa mga komunidad at mas madaling mapuntahan ng mga matatanda. Sa Quezon City lamang, inilaan ang pondo para sa pagpapatayo ng mga Super Health Center sa anim na magkakaibang barangay.