
Bong Go sa DOH: Allowance, benepisyo ng HCWs ibigay na
MULING nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa Department of Health (DOH) na ibigay na ang allowance at benepisyo ng healthcare workers na nagsakripisyo noong pandemya ng COVID-19.
Ipinaalala Go kay DOH Secretary Teodoro “Ted” Herbosa sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) na ilang healthcare workers ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang allowance.
Hinimok din niya ang DOH na pabilisin ang proseso sa paglalabas ng allowance ng mga manggagawa sa pangkalusugan, alinsunod sa batas.
“Marami po talagang mga backlog na payables ng health emergency allowance. Yung mga HEA nila na hindi pa nababayaran, baka may mga backlog pa po from the previous years. Kaya parati akong nananawagan sa DBM, sa Department of Health na bilisan natin ang paglabas nito,” giit ni Go.
“Pasado naman ito sa Kongreso noon. Ipinasa natin ito. Napakaliit lang po niyan na halaga (para) sa sakripisyo na ginawa nila para sa ating bayan sa panahon ng pandemya,” anang pa ng senador.
Binigyang-diin din ni Go na ang pinakamaliit na magagawa ng gobyerno ay tiyaking matatanggap ng healthcare workers ang kanilang allowance nang walang pagkaantala. Ani Go, mahalaga ang patuloy na pagsuporta sa frontliners kahit na inalis na ang state of public health emergency.
Si Go ay isa sa may-akda at co-sponsor Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng benepisyo at allowance sa HCWs sa panahon ng public health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang pinasalamatan ni Go si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pangako nitong uunahin ang kapakanan ng healthcare workers. Partikular na pinuri ng senador ang Pangulo na nag-atas na ilabas na ang COVID-19 emergency allowance noong ikalawang State of the Nation Address (SONA).
“Natutuwa at nagpapasalamat tayo na napakinggan ng ating Pangulo ang mga hinaing ng ating healthcare workers at tinugunan niya ito sa kanyang SONA. Even with the lifting of the State of Public Health Emergency, unahin po natin ‘yung medical frontliners natin na nagsakripisyo para sa ating mga kababayan,” sabi niGo.
Sinabi ni Go na “may State of Public Health Emergency man o wala, dapat tuparin ng gobyerno ang mga obligasyon nito na protektahan ang buhay ng mga Pilipino, pangalagaan ang kanilang kalusugan, at ibigay ang nararapat sa kanila, lalo na sa medical frontliners.”