Bong Go

Bong Go: Natulungan ng Malasakit Center 7 milyon na

January 8, 2023 People's Tonight 242 views

PINURI ni Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go ang ulat ng Department of Health na mahigit pitong milyong Pilipino na ang natulungan ng Malasakit Centers na nakakalat sa buong bansa mula nang ito’y buksan noong Pebrero 2018.

“Natutuwa po ako sa bagong report ng DOH kung saan nailapit ng Malasakit Center ang mga programa ng gobyerno na medical assistance sa mga mahihirap na pasyente sa iba’t ibang sulok ng bansa. Patunay lang po ito sa tagumpay ng naturang programa na ating inumpisahan at ang importansya ng serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino lalo na ‘yung mga mahihirap at walang ibang matakbuhan,” sabi ni Go.

Ang Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) Program ng DOH ay available sa lahat ng Malasakit Center.

“Hangad ko po na sa 2023, mas marami pa pong Pilipino ang matulungan ng Malasakit Center program dahil pera naman po nila iyan. Sa kanila po ‘yan. Binabalik lang natin sa pamamagitan ng mas pinadaling serbisyo,” anang senador.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan ang mga mahihirap na pasyente ay madaling makalalapit para sa tulong medikal mula sa DOH, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.

“Sa ngayon po mayro’n na ho tayong 153 na nabuksan na Malasakit Center nationwide since 2018 at naging batas po ito ngayong 2019,” ayon kay Go.

“Tuluy-tuloy naman po siya at recently po ang pinakahuli nating nabuksan ay ito pong Malasakit Center sa OFW Hospital diyan po sa San Fernando, Pampanga,” idinagdag niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng ospital na pinamamahalaan ng DOH at Philippine General Hospital sa Maynila ay inatasang maglagay ng Malasakit Center. Ang mga ospital na nasa ilalim naman ng lokal na pamahalaan at iba pang pampublikong ospital ay maaari ring maglagay ng sarili nilang Malasakit Center basta’t matutugunan nila ang mga pamantayan upang magarantiya ang pagpapatuloy ng operasyon nito.

Ayon sa DOH, mula nang maitatag ang unang Malasakit Center noong 2018 hanggang sa kasalukuyan, naging mas accessible na sa mahihirap na Pilipino na makahingi ng tulong medikal mula sa gobyerno.

Sa MAIP lamang ng DOH na nasa alinmang Malasakit Centers, ay nakatulong na sa 7,481,333 pasyente na may kabuuang budget na P50.8 bilyon. Noong 2022, mahigit 1.4 milyong pasyenteng benepisyaryo ang nakatanggap ng P14.6 bilyong tulong ng gobyerno mula sa programa.

Sinabi DOH na ito ay ginagawa upang palawakin ang saklaw ng tulong na makukuha sa Malasakit Centers, bukod pa sa outpatient drug benefits. Ang PhilHealth, ang state-run health insurer ng bansa, ay nagpapalakas din ng estratehiya sa pananalapi upang ang mga pasyente ay hindi na gumastos mula sa sariling bulsa.

“Ang importante po’y matulungan po ‘yung mga kababayan nating mahihirap. Para po ito sa Pilipino, para po ito sa mahihirap at indigent na pasyente,” ayon kay Go.

Ipinaalala ni Go sa mga Pilipino na unahin ang kanilang kalusugan at samantalahin ang tulong medikal na makukuha sa Malasakit Centers sakaling magkaroon ng medical emergency.

“Hindi n’yo na kailangan pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Nasa isang kwarto sa loob ng ospital na po. Lapitan n’yo lang, inyo po iyan. Ang Malasakit Center ay para sa mga mahihirap at indigent patients,” anang senador.

Bukod sa Malasakit Centers, patuloy ring itinataguyod ni Go ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa sa layong mapabuti ang healthcare access ng mga Pilipino, lalo na sa mga rural na lugar.

AUTHOR PROFILE