
Bong Go, nakipagpulong sa OFW group sa UK
INIMBITAHAN si Senador Christopher “Bong” Go ng grupo ng overseas Filipino workers o miyembro ng Filipino community sa United Kingdom sa isang meet-and-greet sa Romulo Café & Restaurant sa London.
Ang grupo ay binubuo ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa London na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ang ilan ay kapwa niya Davaoenyo, Ilokano, Bicolano, Ilonggo, at iba pa, kabilang ang mga mula sa Filipino Muslim community.
Habang sinasaksihan ang camaraderie ng Filipino community doon, namahagi ang senador ng mga token sa OFW leaders.
“Ikinagagalak ko na makasama kayo ngayon. Kung anuman ang maitutulong ko, nandito po ako na handang magserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya,” ani Go.
Ayon sa senador, unang beses pa lamang niya nakarating sa London, United Kingdom matapos isama ni Senate President Migz Zubiri para sa makabuluhang pakikipagpulong sa kanilang counterparts sa parliament dito.
“We had the opportunity to meet with the Speaker of the Lords and the Speaker of the Commons. At marami po kaming natutunan,” ibinahagi ni Go. Kasama rin nila sa pagbisita sa UK si Senator Grace Poe.
Ang pagbisita ay upang palakasin ang relasyon ng Senado ng Pilipinas sa counterparts nito sa parliyamento sa UK sa pamamagitan ng serye ng diyalogo, paggawa ng polisiya sa pagpapalakas ng relasyong bilateral, pagpapatibay ng seguridad sa ekonomiya, at pagtuklas sa areas of cooperation ng dalawang bansa.
Tagapangulo ng Senate committee on health, vice chairperson ng Senate committee on migrant workers at miyembro ng Senate committee on foreign relations, ipinagmalaki ni Go ang pagsisikap ng gobyerno sa pagtataguyod ng kapakanan ng higit 200,000 OFWs sa UK, partikular sa humigit-kumulang 40,000 Filipino nurse na nagtatrabaho doon.
Ibinida rin niya ang pagtatatag ng Department of Migrant Workers (DMW), isang makabuluhang hakbang pagdating sa pagtugon sa mga alalahanin ng OFWs.
Si Go ay isa sa mga may-akda at co-sponsor ng bersyon ng Senado na Republic Act No. 11641 na siyang lumikha sa DMW.
Binanggit din ni Go na inihain niya ang Senate Bill No. (SBN) 2297 na layong ma-institutionalize ang OFW Hospital para matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon nito. Ang OFW Hospital na nasa Pampanga ay nagsimula ng operasyon noong Mayo 2022. Binubuo ito ng anim na palapag at kayang tumanggap ng 100 kama, para magamit ng mga OFW at kanilang pamilya.