
Bong Go: Mas maraming OFW Centers, itayo
KAUGNAY ng masigasig na pagsusulong ng kapakanan at pag-unlad ng mga migranteng manggagawang Pilipino, idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Overseas Filipino Workers (OFW) Center ay makopya sa mga malalaking lungsod upang magsilbing one-stop shop sa mga pangangailangan ng mga makabagong bayani ng bansa.
Personal na sinamahan ni Go si Pangulong Duterte sa groundbreaking ceremony ng OFW Center sa Daang Hari, Las Piñas City noong Huwebes, Abril 7.
Ang naturang center ay isang 10 palapag na one-stop shop na maglalaman ng mga satellite office ng mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa dokumentasyon at pangangailangan sa paglalakbay ng mga migranteng manggagawang Pilipino. Magbibigay din ito ng iba pang serbisyo ng gobyerno, ministry counseling at legal na tulong para sa OFWs.
Ang pasilidad ay proyekto ng Global Filipino Movement Foundation Inc., isang non-stock at non-profit na organisasyon na nakikipagtulungan sa mga Kristiyanong simbahan, organisasyon at indibidwal upang magbigay ng libreng tulong sa mga manggagawa sa ibang bansa.
Pinuri ni Go ang pundasyon para sa inisyatiba nito at nanawagan sa pribadong sektor at iba pang pangunahing katuwang ng gobyerno na palakasin ang kanilang pagtutulungan na isulong ang kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Noon pa man ay masigasig na tagasuporta ang senador sa karapatan ng mga OFW, kinikilala ang kanilang mga sakripisyo para sa kanilang mga pamilya at ang kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
“Higit kumulang 10 porsyento ng ating populasyon ang nasa abroad. Mahirap po mawalay sa sariling bayan para lang buhayin ang pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak,” ani Go.
“Kaya bilang mambabatas, ginagawa ko ang lahat para maipaglaban ang kanilang kapakanan. Huwag nating ipagkait sa Pilipino kung ano po ‘yung nararapat sa kanila, lalo na sa ating mga OFW at iba pang overseas Filipinos. Itinuturing nga natin silang mga bagong bayani,” idiniin niya.
Si Go ang nag-akda at nag-co-sponsor ng Senate version ng Republic Act 11641 na nagtatatag ng Department of Migrant Workers. Itutuon ng DMW ang buong resources ng pamahalaan sa pagprotekta sa karapatan at interes ng mga Pilipino sa ibang bansa.
“Hopefully po, sana bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte ay talagang nandiyan na ang departamentong lalapitan n’yo na mag-aasikaso sa ating mga OFWs. Regalo natin ito sa mga (migrant workers) na nagsasakripisyo. Malaki ang ambag sa ating bayan ng modernong bayani natin. Para po ito sa inyo, itong Department of Migrant Workers,” anang senador.