Bong Go Inaalalayan sa pag-upo sa wheelchair ni Senator Bong Go ang isang lalaking may sakit nang kanyang bisitahin ang mga pamilyang nasunugan at mahihirap sa probinsiya ng Rizal.

Bong Go, kahulugan ng ‘Tapang at Malasakit’

November 11, 2021 People's Journal 419 views
Bong Go
Mainit na sinalubong ng mga opisyal ng Antipolo City at Rizal province sa pangunguna ni dating Gov. Jun Ynares si Senator Bong Go na dumalaw sa lalawigan para mamahagi ng ayuda sa mga nasunugan at pamilyang mahihirap.

‘Pinaka-karapat-dapat na VP bet’–Ynares 

LUBOS na pinuri ng angkan ng mga Ynares sa lalawigan ng Rizal si Senator Christopher “Bong” Go sa pagsasabing ang senador ay tunay na kahulugan ng “tapang at malasakit” kaya siya ang pinaka-karapat-dapat na susunod na pangalawang pangulo ng bansa.

Kaya nang bumisita sa mga nasunugan at mahihirap noong Martes, tumanggap ng mainit na pagsalubong si Senator Go sa lokal na pamahalaan ng Antipolo City at Rizal province.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Andrea “Andeng” Ynares na si Senator Go ang kauna-unahang public servant na tumulong sa lungsod para makarekober sa hirap at hamon na dulot ng patuloy na COVID-19 crisis.

“Mapalad po ang siyudad ng Antipolo dahil binisita tayo ng isang tao na siyang mismong kahulugan ng tapang at may malasakit sa kapwa. Siya ang kauna-unahang pulitiko na tumulong sa ating city noong unang padyak pa lang ng pandemya,” ayon kay Mayor Ynares.

“Isa siya sa mga laging tumutulong sa ating lungsod. Mula pa noong unang padyak ng pandemya, inalalayan na niya talaga tayo. Siya po ang naging instrumento ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte para ipaabot ang tulong at iparamdam ang pagmamahal, hindi lang sa bawat Antipolenyo kundi sa bawat Pilipino,” anang pa ng alkalde.

Pinuri rin ni Governor Rebecca “Nini” Ynares ang inisyatibang Malasakit Centers program ni Go na nagbigay benepisyo na sa mahigit 3 milyong Filipino sa iba’t ibang lupalop ng bansa.

“Ang taong ito ay umisip ng paraan kung papaano ang mga kapos-palad nating kababayan ay hindi mamomroblema sa pera dahil ngayon sa kaniyang Malasakit (Centers) Program, lalo na sa mga Rizaleño na andito, nasisiguro ko na kapag kayo ay may sakit at nagpunta sa hospital, ang problema niyo lang ay ang nararamdaman niyo,” anang gobernadora.

Ipinahayag ni Governor Ynares ang kanyang buong pagsuporta sa vice presidential bid ni Go dahil naniniwala siya sa determinasyon at tunay na malasakit ng senador.

“Alam ko matatalino ang mga Rizaleño, alam natin ang nangyayari sa ating kapaligiran, alam natin kung sino ang tunay nating kaibigan, alam natin kung sino ang karamay natin sa panahon ng ating pangangailangan,” ayon sa governor.

“Anuman ang direksyon na kaniyang tahakin upang makapaglingkod sa ating mga Pilipino, kailangan bilang Rizaleño, tayo ay matalino, alam natin kung sino ang katulong natin at maaasahan natin sa panahon ng ating pangangailangan. Ako ay umaasa na si Senator Bong Go ay ating sasamahan saan man siya magpunta,” idinagdag niya.

Buong suporta rin ang ibibigay ni dating Governor Casimiro “Jun” Ynares III sa vice-presidential candidate dahil sa mga proyekto at programang ibinibigay ni Go sa mga mahihirap para sila’y makabangon.

“Sa kaniya po namin nakita ang mga katangian na hinahanap po namin. Hindi ko po palalagpasin ang pagkakataon na ito na ikwento sa inyo at ipaalam sa inyo, bagama’t hindi siya taga-Luzon, napakalaking tulong ni Senator Bong Go at Pangulong Duterte sa lalawigan namin dito sa Antipolo,” anang batang Ynares.

“Alam kong ayaw niyo pag-usapan ang pulitika pero gusto ko lang po ilabas ang saloobin ko na alam namin na kayo ang karapat-dapat na sumunod bilang vice president,” sabi pa ni Gov. Jun patungkol sa senador.

AUTHOR PROFILE