
Bong Go: Inspirasyon ko si Dr. Jose Rizal
DINALUHAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang unveiling ng ceremonial plaque bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Espanya sa Jose Rizal Monument, Avenida de las Islas Filipinas sa Madrid, Spain.
Ang okasyon ay inorganisa ng Embahada ng Pilipinas sa Madrid sa pakikipag-ugnayan sa Ayuntamiento de Madrid at National Historical Commission of the Philippines.
“Masaya akong narito sa Madrid. Inimbitahan ako ng ambassador at ng NHCP. Masaya po ako dahil idol ko po si Rizal at alam ninyo, isa ang aming passion. Pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa ating kapwa Pilipino. Mahal ko po ang aking kapwa Pilipino,” ani Go na siyang naatasan ni Senate President Juan Miguel Zubiri upang katawanin ang Philippine Senate sa nasabing okasyon.
“Kaya po patuloy akong nagseserbisyo katulad ni Dr. Jose Rizal, naniniwala po ako na ang serbisyo po sa tao, sa Pilipino ay serbisyo sa Diyos. Yung ginawa ni Dr.Jose Rizal sa atin na nagsakripisyo ng kanyang buhay, ay bigyan po natin ng halaga. Kaya hindi ako nagdalawang isip na puntahan ito,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na ang unveiling ng marker ay isang “angkop na pagpupugay sa mayamang kasaysayang ibinahagi ng dalawang bansa” gayundin sa bayaning Pilipino na si Dr. Jose Rizal na ang mga paniniwala at adbokasiya, ayon sa senador, ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa isang bansa kahit na pagkatapos ng mahigit 100 taon mula nang mamatay siya.”
Binanggit din ni Go na ang Pilipinas at Espanya ay may mahabang kasaysayan ng ibinahaging pamana, kultura at kasaysayan.
“Spain opened an entirely new world to be explored, facilitating exchange of ideas and culture between the old and the new,” ani Go.
“Specifically, Rizal, in which this marker we unveil beside his monument today, learned so much here in Spain and imported many good ideas and practices to the Philippines for the betterment of our people,” dagdag ng senador.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, sinabi ni Go na kumukuha siya ng inspirasyon sa mga bayaning tulad ni Rizal na lumaban para sa buhay at kalayaan ng kanilang mga kababayan upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan.
Kaugnay nito, patuloy na inilalapit ng senador ang mga mahahalagang serbisyong medikal at pangangalaga sa kalusugan sa mga mamamayan, partikular na sa higit na nangangailangang mga Pilipino.
“Nakita rin ni Rizal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng edukasyon at pagkakaroon ng mga bagong ideya at ibinalik ang mga ito sa Pilipinas para makatulong sa kapwa niya Pilipino,” aniya.
“Ngayon, habang ang ating modernong mundo ay patuloy na humaharap sa mga bagong hamon at mga umuusbong na banta sa kalusugan at kaligtasan, hindi tayo dapat huminto sa pag-aaral mula sa iba at gamitin ang mga ito para sa kapakanan ng ating sariling mamamayan,” dagdag ni Go.
Sa pagpuna sa mga karanasan ni Rizal, sinabi ni Go na ang mga ito, tulad ng mga aral na dulot ng pandemya, ay dapat na magsilbing gabay na liwanag sa paglalakbay natin tungo sa isang mas mahusay at mas ligtas na kinabukasan bilang isang tao.
Ipinahayag ng senador ang kanyang pag-asa na ang mga ideyang ipinaglaban at ikinamatay ni Rizal ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino na magsumikap para sa kanilang mga kababayan, lalo na ang mga kabataang Pilipino na “pag-asa ng ating inang bayan.”
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Go ang gobyerno ng Espanya sa pagbibigay sa Pilipinas ng 453,600 doses ng Moderna vaccine noong Disyembre 2021 sa kasagsagan ng pandemya na malaki ang naitulong sa pagtiyak sa tagumpay ng programa ng pagbabakuna sa bansa.
Ang pormal na relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Espanya ay itinatag noong Setyembre 27, 1947.