Lorenzo

‘Bomb expert’ ng ASG, timbog sa Sulu

May 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 239 views

ARESTADO ang tinaguriang “bomb expert” ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang law enforcement operation ng mga awtoridad sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Col. Alexander Lorenzo, director ng Zamboanga City Police Office, ang naarestong 48-anyos na suspek ay kilala sa alyas na “Elham Bahjin Abunassan.”

Batay sa ulat ng pulisya, ang suspek ay nadakip ng mga awtoridad sa Barangay Bus-Bus, Jolo, Sulu.

Sinabi ni Lorenzo na ang ASG member ay ang no. 4 “most wanted person” ng Zamboanga City at may dalawang nakabimbing warrants of arrest para sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives na inilabas ng korte.

Nagtakda ang korte ng P120,000 bail para sa illegal possession of firearms and ammunition habang wala namang karampatang piyansang itinakda para sa illegal possession of explosives.

Napag-alaman na ang suspek ay tagasunod nina Zamboanga-based ASG leaders Marzan Ajijul at Jomar Mohammad.

Ang naarestong suspek ay dinala sa Jolo Municipal Police Station para sa dokumentasyon.