Posas1

Bogus na dentista arestado sa NegOc

August 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 368 views

ARESTADO ang isang pekeng dentist dahil sa pagbubunot ng ngipin at paggawa ng pustiso kahit walang lisensiya sa Calatrava, Negros Occidental.

Ang suspek na inaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation at Philippine Dental Association (PDA) ay nakilalang si Jude Labado.

Depensa ng suspek, naawa siya sa mga residenteng hindi makapagpabunot ng ngipin dahil walang pambayad, kaya’t nagmagandang loob siyang siya na lamang ang bumunot ng kanilang mga ngipin.

Sa ulat ng Philippine National Police, naaresto ang suspek sa isang entrapment operation sa mismong bahay nito sa Barangay Bantayanon na nagsisilbi ring klinika nito.

Napag-alaman na ang suspek ay inireklamo ng medical malpractice dahil sa pagbubunot ng ngipin, paggawa ng pustiso o paglalagay ng braces lalo sa mga kabataang kliyente kahit wala umanong lisensiya.

Ayon sa suspek, libre lamang o donasyon ang kapalit ng kaniyang serbisyo dahil sa awa sa mga kliyenteng hindi kayang magbayad ng pagpapa-ayos ng ngipin.

Napag-alaman na ilang kliyente na rin ng suspek ang nagreklamo na namamaga ang kanilang gilagid matapos ang serbisyong ibinigay sa kanila ng bogus na dentista.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng PDA na itutuloy nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9484, o ang Philippine Dental Act of 2007, laban sa suspek.