BOC

BOC, industry stakeholders nagsama para plantsahin reporma sa Adwana

May 31, 2024 People's Tonight 129 views

UPANG ipakita ang kanilang pagkakaisa, nagsama-sama ang Bureau of Customs (BOC) at mga lider at stakeholder ng iba’t ibang industriya sa General Assembly ng Customs Industry Consultative and Advisory Council (CICAC) na naglalayong gumawa ng reporma sa Adwana upang mas mapabilis ang proseso ng customs clearance, maabot ang target na koleksyon sa buwis, at matugunan ang iba’t ibang isyu.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang assembly na dinaluhan ng mahigit 200 pangunahing industry leaders at stakeholders, isang hudyat ng pagkakaisa upang makapagpatupad ng naaayong reporma sa BOC na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.

Sa naturang event na inilungsad katuwang ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), lumagda ang mga lider at stakeholder sa isang Manifesto of Support upang ipakita ang kanilang suporta sa inisyatiba ng BOC.

Ang suporta ng pribadong sektor ay mahalaga sa layunin ng Bagong Pilipinas campaign ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdala ng kinakailangang pag-unlad sa bansa.

Pinuri ni FFCCCII president Dr. Cecilio K. Pedro ang BOC sa pangunguna nito upang makagawa ng mga reporma.

“Institutional changes do not come overnight, but we see that the continued interest and participation of all the members of the CICAC are paving the way for reforms and changes, which are facilitating trade and businesses,” sabi nito.

“We thank the Bureau of Customs for its receptiveness and responsiveness in addressing the issues of each stakeholder,” dagdag pa ni Dr. Pedro.

Bilang pasasalamat, nagbigay ang FFCCCII ng isang token of gratitude sa BOC, na lalong nagpatibay ng kanilang suporta sa ahensya.

Iginiit naman ni Commissioner Rubio ang kahalagahan na mapaganda ang pangangasiwa sa customs.

“We trust that we would be able to guide one another in seizing opportunities for improvement and progress within the customs and trade communities,” ani Commissioner Rubio.

Ayon pa sa opisyal, patuloy na susulong ang BOC upang matugunan at maging epektibo ang customs administration at maabot ang inaasahan ng iba’t ibang industriya kasabay ang pangangalaga sa interes ng bansa at ng mga Pilipino.

Muli ring iginiit ni Commission Rubio ang pangako ng BOC na magsulong ng mga positibong pagbabago at ang maitaguyod ang interes ng bansa.

Hinamon din ni Commissioner Rubio na makiisa upang maabot ang ninanais ni Pangulong Marcos na “Bagong Pilipinas.”

Ang makasaysayang assembly ay hindi lamang naglalatag ng mga susunod pang kolaborasyon kundi isa ring malaking hakbang patungo sa mas mahusay at transparent na customs administration, ayon kay Commissioner Rubio.

AUTHOR PROFILE