BLVCK

Blvck Entertainment, milyun-milyon ang ginastos sa music video ng Blvck Flowers

July 15, 2023 Ian F. Fariñas 720 views

MAY bagong P-pop group na ipinakilala ang Blvck Entertainment ng mag-asawang negosyante na sina Engr. Louie at Grace Cristobal, ang Blvck Flowers.

Sa press launching ng grupo na ginanap kamakailan, ipinamalas nina Yara, Shanis, Pola at Candace ang husay ng boses at lupit ng dance moves na bunga ng pamatay na training.

Sa Q&A portion, kinumpirma ng Blvck Flowers na ang pangalan ng grupo ay mula sa kumbinasyon ng “blvck” (pangalan ng kanilang talent management) at “flower” na sumisimbolo sa women empowerment.

“Black and flower mean power and beauty, these two words sum up the core goal of our group which is to see, use and enhance beauty as a positive force through music, artistic performance, and influence,” anila sa kanilang samahan.

Ang apat na miyembro ay may proper knowledge at background hindi lamang sa performing arts kundi maging sa academics.

Ang all-rounder na si Yara ang lead vocalist at lead rapper ng Blvck Flowers. Napanood na rin siya sa ilang TV shows gaya ng Happy Together ni John Lloyd Cruz sa Kapuso network.

Isa rin siyang print ad model at brand ambassador.

Si Shanis naman ang main rapper at lead dancer. Gaya ni Yara, ramp model din si Shanis at madalas maging parte ng school dance organizations mula noong elementary days niya.

Si Pola naman ang nagsisilbing main vocalist. Napanood na rin siya sa ilang mga pelikula at TV shows tulad ng Centerstage ng GMA Network, 3pol Trobol: Huli Ka Balbon at Will You Marry Me.

Visual at main dancer naman ng Blvck Flowers si Candace na nagsimula rin bilang commercial model.

Naging contender din si Candace sa “Girl on Fire” ng noontime show na It’s Showtime.

Nang tanungin ng press kung sino ang kanilang musical influences o idolo sa local showbiz, binanggit nila ang mga pangalan nina Sarah Geronimo, Yeng Constantino at Belle Mariano.

Samantala, lahat naman sila ay nagwi-wish na maka-collab ang all-girl group ding G22 na nasa ilalim ng pangangalaga ng Cornerstone Entertainment.

Labas na ang self-titled digital album ng Blvck Flowers na may carrier single na PPop Star.

Composed ni Romel Afable kasama ang beats producer na si JG Beats, ang nasabing single ay nagsisilbing shoutout sa mga artist na nangangarap gumawa ng kanilang marka sa industriya.

“PPop Star is also introducing a new P-pop sound that is unconventional, edgy and radical. Complementing this new sound is the hip choreography conceived by Ren Bernardino,” anang grupo.

Kasabay nito ay out na rin ang kauna-unahan nilang music video na balitang ginastusan ng Blvck Entertainment ng milyun-milyong piso.

Binuo ang nasabing MV ng creative director na si Titus Cee katuwang si Jon Gutierrez, a.k.a. King Badger.

Ang iba pang songs sa album ay ang Blvck Flowers, na komposisyon ni Romel Afable, Eyy at Sindikato, collaboration ng grupo kina Afable at Engr. Louie.

Ang Blvck Flowers the digital album ay available na for streaming/download sa iba’t ibang platform tulad ng Spotify, Apple Music, iTunes, Amazon, Deezer, Medianet, Boomplay at YouTube Music.

AUTHOR PROFILE